Advertisers
TINUTUGIS na ngayon ng Pambansang Pulisya ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling balita hinggil sa umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod ito ng pagkakakaladkad ng pangalan nina PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr., at AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. hinggil sa nasabing usapin kung saan lumalabas pa na ang mga naturang pinuno pa mismo ng Pambansang Pulisya at Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kumukumbinsi kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bumaba na sa puwesto bilang punong ehekutibo ng Pilipinas.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, inatasan na ni PNP Chief Acorda ang PNP Anti-Cybercrime Group, at ang lahat ng mga regional directors, at field commanders na paigtingin pa ang kanilang ginagawang cyber patrolling at i-validate ang lahat ng mga videos na may kaugnayan dito.
Layunin nito na matukoy ang source o pinagmulan ng nasabing mga maling balita na nagdudulot ng kasiraan sa naturang mga organisasyon at maging sa pagkakaisa ng pamahalaan.
Kasabay nito ay ang muli ring nagbabala ang pulisya hinggil sa mga kasong posibleng kaharapin ng sinumang mapapatunayang sangkot sa nasabing usapin tulad ng kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Matatandaang una nang kapwa pinabulaanan ng AFP at PNP ang mga alegasyong ipinupukol ni retired BGen. Johnny Macanas Sr. hinggil sa umano’y pangungumbinsi nina Brawner at Acorda kay Pangulong Marcos Jr.
Kasabay ng kanilang muling pagpapahayag ng katapatan sa kanilang mandato at sinumpaang tungkulin, partikular na sa punong ehekutibo ng ating bansa.