Advertisers
MARIING inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) na pagtuunan ng pansin ang pagsasanay ng mga guro at iba pang isyu sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, ang direktiba ay ginawa ni PBBM kasunod ng naganap na sectoral meeting sa Malakanyang.
Sa isang press briefing sa Palasyo, binanggit ni Poa na lumitaw sa PISA (Programme for International Student Assessment) assessment na nangunguna ang mga estudyante sa mababang antas ng proficiency.
Dahil dito, ipinahayag nina DepEd Usec. Poa at Usec. Gina Gonong na kinakailangan ng mga guro na magkaroon ng specialization o master’s degree, at hindi sapat ang pagsusulit lamang sa Licensure Examination for Teachers.
Samantala, sinabi ni Poa na itataguyod ng pamahalaan ang mas mabisang implementasyon ng feeding program at kampanya laban sa bullying sa mga paaralan.
Makikipag-ugnayan din ang DepEd sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapabuti ang feeding program kung saan may mahigit P11 bilyong pondo para rito ngayong taon.
Sa usapin naman ng bullying, ipinunto ni Poa na hindi na ito limitado sa pisikal na eskwelahan kundi pati na rin sa online na espasyo.
Dahil dito, isusulong ng DepEd ang pagpapatupad ng mas mahigpit na kampanya laban dito sa pamamagitan ng pagbuo ng Child Protection Committee sa mga paaralan. (Gilbert Perdez)