Advertisers
MAKAKALAYA na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos maglabas ng release order ang Sandiganbayan 5th Division nitong Huwebes, Setyembre 3.
Ito ay dalawang araw matapos payagan ng anti-graft court na alisin si Bonoan bilang akusado sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.
Hiniling mismo ng Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado upang magamit siya bilang state witness sa iba pang kasong may kaugnayan sa flood control corruption scandal.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, mahalaga ang nalalaman ng dating DPWH chief sa pagbuo ng mga kaso.
Naaresto si Bonoan noong Hunyo at kalaunan ay isinailalim sa hospital arrest sa PNP General Hospital sa Camp Crame dahil sa kanyang mga karamdaman.
Habang sinusulat ang balitang ito, nananatili pa si Bonoan sa Philippine National Police (PNP) General Hospital habang hinihintay ang pagpapatupad ng release order.