Advertisers
PATONG-PATONG na asunto ang haharapin ng isang lalaki na bukod sa sangkot sa love scam, inaresto rin ito sa estafa nang hindi mag-remit sa kita ng pinagtatrabahuhang bakery sa Baguio City.
Kinilala ang lalaki na si Jeffrey Obelio, na inaresto ng operatives ng Regional Special Operations Group ng NCR Police sa bisa ng warrant of arrest pagkalabas niya ng bahay sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Police Captain Arniel Buraga, Intelligence Chief ng RSOG-NCRPO, manager si Obelio sa isang sikat na bakery sa naturang lungsod na pinagkatiwalaan ng may-ari.
Hindi nag-remit si Obelio ng kaniyang sales ng limang buwan at nakakuha ng halos P1.2 milyon.
Ang NCRPO ang nagsagawa ng operasyon dahil may hiwalay pa siyang reklamo sa Quezon City na may kinalaman naman sa ‘love scam’.
Nambibiktima din umano si Obelio ng mga miyembro ng LGBT community at mayayamang biyuda.
“Front niya lang ‘yung pagiging manager. Ang binibiktima niya talaga ‘yung mga LGBT na vulnerable.
Kinukuhaan niya ng mga pera, alahas at ‘yung condo. ‘Pag nag-trust na sa kaniya, nililimas niya ‘yung mga gamit. Marami siyang biktima mula Cordillera hanggang Central Luzon. Pati dito sa NCR may mga karelasyon siya na pinagnanakawan niya rin dito sa Quezon City,” sabi ni Buraga.