Advertisers
TUTUNGO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang state visit sa Vietnam sa susunod na linggo kung saan kabilang sa magiging agenda ay ang pagtalakay sa seguridad sa pagkain, kooperasyong pang-agrikultura, kalakalan, at ilang mahahalagang isyu sa rehiyon at internasyonal.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza sa isang press briefing sa Malakanyang na si Pangulong Marcos at First Lady Louise Araneta-Marcos ay magsasagawa ng kanilang state visit sa Vietnam sa Enero 29-30, 2024, sa imbitasyon ni Vietnamese President Vo Van Thuong.
Ito ang magiging unang pagbisita ng Pangulo sa Vietnam mula nang maupo siya noong 2022 at magiging unang outbound state visit para sa taon.
Makikipagpulong din ang Pangulo sa Filipino community, kung saan itatampok niya ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa Vietnam, gayundin ang kontribusyon ng komunidad sa pagtataguyod ng positibong imahe ng Pilipinas sa bansa.
Mayroong humigit-kumulang 7,000 Pilipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Vietnam. Ang Vietnam ang sole strategic partner ng Pilipinas sa ASEAN region. (Vanz Fernandez)