Advertisers
PALIIT nang paliit na ang mundo ng mag-partner na dating Pangulo Rody “Digong” Duterte at Pastor Apollo Quiboloy, ang founder ng ‘Kingdom of Jesus Christ’.
Totoo raw pala ang pagtawag ng dis-oras ng gabi ni Digong sa kanyang dating presidential spokesman Atty. Harry Roque few weeks ago na aarestuhin ito anumang oras. Hindi lang daw pumayag si Pangulong “Bongbong” Marcos.
Hindi lang malinaw kung saan galing ang arrest warrant, kung sa International Criminal Court (ICC) ba o sa lokal na korte. Ito’y matapos na manawagan kamakailan ni Duterte sa militar at pulisya na mag-alsa laban kay Marcos.
Matatandaang matapos manawagan ni Duterte sa PNP at AFP laban kay Marcos huling linggo ng Enero ng taon ay kaagad umikot sa Mindanao ang AFP Chief, General Romeo Brawner, kinausap ang mga sundalo na maging tapat sa Konstitusyon hindi sa udyok ng sinumang politiko.
Nagkaroon rin daw ng “loyalty check” sa hanay ng PNP at AFP partikular sa Mindanao.
Si Duterte ay nahaharap sa kasong ‘Crimes against humanity’ kaugnay ng mga pagpatay mula alkalde ito ng Davao City hanggang maging pangulo ng bansa, kungsaan sinasabi ng human rights group na mahigit 36,000 ang pinaslang pero ayon sa datus ng PNP ay higit 6,000 lamang ang mga naging biktima.
Sinabi ng isa sa mga testigo ng ICC na si retired police at umaming “hitman” ng Davao Death Squad (DDS) na si Arturo Lascanas, siguradong maiisyuhan ng arrest warrant ang dating pangulo. Hindi lang niya alam kung kailan.
Sinabi pa ni Lascanas na 2022 pa nagsimulang mag-imbestiga sa pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings ang ICC.
Ito ang ikinagalit ng todo ni Duterte kay Marcos. Kung bakit nakapasok sa Pilipinas ang ICC gayung nangako si Marcos kay Duterte na hindi papasukin sa bansa ang mga taga-ICC.
Dito na sinabihan ni Duterte si Marcos na “presidente na adik” at nasa “watchlist ng PDEA”.
Binira rin ng mga anak ni Duterte na sina Cong. Paolo at Mayor Baste si PBBM, sinabihang “tamad” at “walang utang na loob”, na kung wala raw ang kanilang ama ay hindi nalibing sa Libingan ng mga Bayani ang tatay (Marcos Sr).
***
Sa surveys ng SWS at OCTA Research, nalaman na majority na ng mga Filipino ay payag nang papasukin sa bansa ang ICC para maimbestigahan si Duterte sa mga pagpatay sa ‘war on drugs’.
Ibig sabihin nito, malaki na ang nabawas na suporta ng mga Filipino sa Dutertes. Araguy!!!
Malamang hindi na lalabas ng Davao City si Digong!
Kay Quiboloy naman, hindi na ito makalabas ng Pilipinas dahil wanted siya sa FBI ng Amerika.
At kapag hindi siya dumalo sa patawag ng Senado para harapin ang mga paratang sa kanya na sexual harrassments ng kanyang mga dating miyembro ay maari siyang ipadakip ng mataas na kapulungan.
Pinatatawag din si Quiboloy ng mababang kapulungan para imbestigahan din sa parehas na mga akusasyon. Araguy!!!
Lumiit na ang mundo ng mga dating hari. Ito ang sinasabi natin na weder weder lang sa politika at walang forever sa power. Mismo!