Advertisers
Dahil sa lumalalang problema sa pagbabago ng klima, nakikipagtulongan ang Climate Change Commission sa ilang mga mananaliksik, akademya, at iba pang grupo upang maisakatuparan ang implimentasyon ng mga proyekto at polisiya sa pagtugon ng mga pangunahing alalahanin kaugnay sa nasabing usapin.
Sa ginanap na 2nd Policy Expo 2024 na pinangunahan ng UST- Research Center for Social Sciences and Education (RCSSED) na may temang “Towards Security Solutions: Creating Strategic Intersections for Scholars and Bureaucrats”, hinikayat ni Vice Chairperson at Executive Director ng Climate Change Commission (CCC)Sec. Robert E.A. Borje ng lahat na maaring epektibong magamit ang mga school resources upang isulong ang mga pagsisikap na mabawasan ang mga epekto sa pagbabago ng klima.
Layon din ng nasabing exposition na magbigay-daan sa paggamit ng mga pag-aaral sa pananaliksik sa mga patakaran at dokumento tulad ng National Climate Change Action Plan(NCCAP)at kung paano makakatulong ang mga iskolar at mga research institutions na matulungan ang mga government institutions sa paghahanap ng kabuuang seguridad.
Ayon kay Borje, sinisikap ng kanyang opisina na mapabuti ang kanilang pagpaplano na dapat ay bata sa datos at agham upang ang paglipat mula sa reaksyon tungo sa isang aktibong aksyon ay kailangan.
Binigyang-diin din ni Borje na mahalaga ang Bayanihan upang labanan ang Climate Change.
“Data will drive us to make the decision base on available science. So dapat we have more scientist, we encourage more people to understand the science and make it an ally not our host,”giit ni Borje.
Sinabi naman ni Dr. Frederick Rey, project head ng 2nd Policy Expo at isa ring political sociologist at researcher, na ang presensya ng CCC ay nagpapakita ng masusing pangako sa kapangyarihan ng agham na magbigay ng lakas sa mga desisyon sa mga policy decisions.
Mayroon na rin aniyang umuusbong na kalakaran sa paggawa ng patakaran sa gobyerno kung saan nagiging pamilyar ang mga eksperto sa pangangailangan ng ebidensya.
Umaasa rin ito na patuloy na makikibahagi ang UST-RCSSED sa paghubog ng mga policy narratives ng bansa tulad ng climate change, food security at technology habang patuloy na naghahanap ng mas maraming katuwang na ahensya.
Bukod kay Sec. Borje, nagsilbi din na guest speaker sa unang araw ng nasabing forum sina Program Officer for the Center for Liberalism and Democracy PJ Leynes at si AGRI Party list Representative Cong. Wilbert Lee.
FOOD SECURITY
Samantala, ibinahagi ni AGRI Party List Representatives Cong. Wilbert Lee, na magiging prayoridad ang kapakanan at Karapatan ng mga magsasaka at mangingisda dahil sila ang mas higit na nagsasakripisyo para matugunan ang food security sa bansa.
Ayon kay Rep. Lee, bagama’t sinabi aniya ng Department of Agriculture na may higit sa sapat na suplay ng pagkain ngunit paalala niya na huwag nang hintayin pa na tumigil ang mga magsasaka sa pagtatanim o dumating ang panahon na wala nang magsasaka dahil ayaw na magsaka.
“50 years old ang average ng ating farmers ngayon—in ten or 15 years from now kung wala tayong makuhang Kabataan na sumunod diyan wala na”.
Sa naturang forum, sinabi rin ni Lee na may mga program na humihikayat sa mga Kabataan na pumasok sa pagsasaka ng makabuluhan.
“Ang food security natin should be strengthen through the help of you, youth and students.Kailangan po natin na palakasin, kailangan hikayatin ang mga kabataan na pumasok sa agrikultura”, saad ni Lee.(Jocelyn Domenden)