Advertisers

Advertisers

5-anyos na batang tinangay sa Pampanga nabawi sa QC

0 16

Advertisers

Nabawi sa Novaliches, Quezon City ang 5-anyos na batang nawala at tinangay ng isang lalaki sa Pampanga.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4 chief, P/Lt. Col. Reynaldo Vitto, nasa kostudya na nila ang lalaking tumangay sa batang si Ally.

Narekober ang bata dahil sa pagiging alerto ng isang mag-asawa. Nadaanan ng mga ito ang lalaki na karga ang bata at namukhaan ito ng babae dahil sa mga larawang inilabas sa social media.

Binuntutan ng mag-asawa ang lalaki hanggang sa makahingi sila ng tulong sa isang tanod at sinita ang lalaki. Hindi umano ito nakasagot ang lalaki nang tanungin kung anak niya ang bata.

Sa presinto, sinabi ng suspek na kaya niya sinama ang bata ay dahil naaawa siya nang makita niya itong nag-iisa. Dinala umano nito ito upang may makasama siya sa kanyang bahay.

Iginiit naman ng pamilya ni Ally na dapat dinala ng lalaki si Ally sa pulisya nang ito’y kanyang matagpuan.

Sinabi pa ng lalaki na wala siyang masamang intensyon sa halip ibinili pa niya ng damit ang bata pero hindi nakumbinsi ang pamilya ni Ally at tinuluyan ang pagsasampa ng kaso.

Nang tanungin ang bata kung mabuti o salbahe ang lalaki, sinabi nitong “salbahe” ito.

Hinala naman ng pamilya na ginamit ng lalaki sa pamamalimos si Ally.

(Almar Danguilan)