Advertisers
KULONG ang isang jailguard nang takutin at paputukan ang sasakyan ng inupahang Grab driver sa Quezon City, Martes ng madaling araw
Nasa kustodya na ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) si JO2 Aron Paul Sobrepeña Bartolome, 41 anyos, miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at nakatira sa Solano, Nueva Vizcaya.
Desidido ang driver na si Edwin Luna, 52, ng Santa Maria, Bulacan, na kasuhan ang jailguard.
Sa pagsisiyasat ni PSSG Lorenz Mappala ng QCPD-CIDU, nangyari ang insidente 12:45 ng umaga sa Katipunan Ave., corner La Vista Subdivision, Brgy. Pansol, QC.
Nabatid na na-booked ni Bartolome ang grab driver at nagpapahatid sa Mayon St., La Loma papuntang La Vista Subdivision sa lungsod.
Umupo si Bartolome sa likuran ng sasakyan, at dala ng kalasingan, biglang binunot ang dalang baril at itinutok kay Luna.
Sa dialect na Ilokano sinabihan ng jailguard ang driver ng “Paltugan kita” (barilin kita) at saka binaril ang kaliwang salamin ng Grab car.
Humingi ng saklolo si Luna sa mga pulis na sina Cpl. Romel Solomon at Pat. Armando Luengo, Jr. ng District Tactical Mobile Unit, Quezon City na noo’y nagpapatrulya.
Inaresto ang jailguard at kinumpiska ang hawak na kalibre 9mm CZ P-10 C pistol na may magazine.