Advertisers
KINALAMPAG nina Senior Deputy Speaker and Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Deputy Speaker and Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Ito ay para magkasa ng malalimang imbestigasyon ukol sa deepfake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagbibigay ng direktiba sa mga sundalo.
Giit ni Congressman Gonzales Jr., hindi dapat palampasin at dapat managot sinuman o anumang grupo ang nasa likod ng ganitong imbentong impormasyon dahil nilalagay nito sa kompromiso ang ating pambansang seguridad.
Mungkahi naman ni Congressman Suarez sa mga ahensya, hingin ang tulong ng mga eksperto mula sa pribadong sektor sa kanilang pagsisiyasat.
Bunsod nito ay mahigpit ang payo ni Suarez sa mga sundalo na huwag magpapaloko sa sa naturang gawa-gawang video na nagpapanggap bilang si Pangulong Marcos.
Samantala ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) ang agarang imbestigasyon para malaman kung sino ang nagpakalat ng pekeng audio gamit ang boses ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay may kaugnayan sa inalabas na kautusan gamit ang artificial intelligence (AI) na paigtingin pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbabantay kontra China.
Ang naturang video ay kumalat sa social media platforms kung saan una na itong ipinatanggal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos kumpirmahin ng Presidential Communications Office (PCO) na peke ito.
Iginiit ni Remulla na kinakailangang mapanagot ang mga nasa likod nito at magsagawa ng malalimang imbestigasyon para malaman ang katotohanan.
Ipinag-utos din ng kalihim sa NBI na sampahan ng kaukulang kaso ang mga nagpakalat ng fake news.
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.