Advertisers
NASAWI ang isang negosyante na nakatakdang kumandidato sa pagka-konsehal sa 2025 midterm election sa isang bayan ng Cavite nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang papasok sa kanyang bahay sa Barangay Magdalo-Potol, Kawit.
Kinilala ang biktima na si Jose Luis Rieta Granados, mas kilala sa pangalang “Jholo Papi”, businessman, ng Brgy. Magdalo-Potol.
Sa ulat, kababa ang biktima sa kanyang sasakyan at papasok na ng kaniyang bahay nang dumating ang riding in tandem at agad itong pinagbabaril.
Bumulagta ang biktima, at mabilis na tumakas ang mga salarin.
Mariin namang kinondena ni Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III ang pagpaslang kay Granados.
“Si Jholo “Papi” Granados, kilalang mabait at matulungin na kababayan sa kanyang barangay at sa bayan ng Kawit. Naka-line up ito na kumandidato bilang konsehal sa paparating na halalan sa ilalim ng ating partido sa Unang Distrito,” pahayag ni Revilla sa kanyang post sa Facebook.
Nag-alok si Revilla ng P500,000 sa makapagtuturo sa mga salarin.