Advertisers

Advertisers

Ilan pang property ni Quiboloy sinuyod ng PNP-CIDG at SAF

0 3

Advertisers

MALIBAN sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound sa Buhangin District, Sasa, Davao City, pinasok din ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (PNP-SAF) ang ilang property ng “wanted” na si Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City at Sarangani Province.

Pinasok ang compound ng Glory Mountain sa Tamayong, sa Calinan District, Davao City at maging ang QSands Baptismal Resort sa Island Garden City ng Samal, at ang Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani Province.

Ayon sa mga tagasuporta ni Pastor Quiboloy, kumpleto rin sa kagamitan ang mga sumalakay na tauhan ng CIDG at SAF na naka-full battle gear katulad ng mga pumasok sa KOJC Compound Lunes ng umaga, Hunyo 10.



May ilan din nasa loob ang nasaktan umano habang pilit pinapasok ang compound na tahanan ng mahigit 1,000 missionaries ng KOJC sa Davao City, Samal Island at Sarangani.

Winasak ng mga awtoridad ang mga bakod at gate ng compound nang tangkaing pigilin ang mga ito ng mga miyembro ng sekta.

Makikita na may ilang pinosasan na mga tagasuporta ni Quiboloy pero hindi pa malinaw kung ano ang naging violation ng mga ito.

Ayon sa grupo ni Quiboloy, wala silang natanggap na search warrant kaya pumalag ang mga supporter, at hindi naging madali ang pagpasok ng mga awtoridad dahil sa pagkilos ng mga tao.

Huminahon din ang mga supporter ni Quiboloy nang marinig ang tinig ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinapakalma ang lahat.

Si Duterte ang nagsisilbing “administrator” ng mgaproperty ni Quiboloy na dating presidential spiritual adviser ng una.



Nang magliwanag na ang kapaligiran, malayang nakapasok ang grupo ng mga awtoridad.

Wala pa rin opisyal na pahayag ang PNP kung natagpuan si Quiboloy sa alinman sa mga lugar na sabayang sinugod ng mga awtoridad.