Advertisers
NASAWI ang mahigit isang buwan na sanggol nang malunod sa gatas ng ina habang pinadedede sa kanilang tahanan sa Quezon City.
Sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), 3:30 ng madaling araw (July 28) nang maganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni Police Corporal Nestor V Ariz Jr., hatinggabi ng Hulyo 27, pinasuso ng ina na nakilalang si alyas Joy ang kanyang baby hanggang sa inakalang nakatulog na ito.
Subali’t makalipas ang ilang sandali, napansin ni Joy na tila namumutla at naninigas ang katawan ng sanggol kaya sinubukan ulit niyang pasusuhin gunit hindi na gumagalaw ang labi nito.
Nang suriin ng ina ang sanggol, natuklasan niyang hindi na ito humihinga pa.
Agad siyang humingi ng tulong sa kanyang mga kamag-anak, subalit walang tumulong sa kanya upang dalhin ang sanggol sa ospital.
Ang insidente ay iniulat kalaunan sa pulisya para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.
Sa pagsasagawa ng imbestigasyon, ang ina ng sanggol ay nagsagawa ng hand written waiver na nagpapakita na siya at ang kanilang pamilya ay hindi na interesado na ituloy ang karagdagang imbestigasyon.
Gayundin ang pagsasagawa ng autopsy dahil kumbinsido ito na aksidenteng namatay ang sanggol dahil sa suffocation o pagkalunod sa pagdedede.