Advertisers
KINASUHAN ang isang dating barangay chairman nang tila hindi parin ito naka-move on sa pagkatalo nang ipakandado nito ang isang silid sa barangay hall sa Cavite City noong Sabado.
Kasong ‘Grave Coercion’ at ‘Unjust Vexation’ ang ikinaso ni incumbent Barangay San Roque, Cavite City chairman Rizaldy Almonicar Consigno, 40 anyos, laban sa dating kapitan na si Jose H. Delos Reyes kasama ang dating tanod na si Jason Suazo.
Sa kanyang reklamo sa Cavite City Component City Police Station, sinabi ni Consigno nagtungo siya sa bahay ng isang Mylene para kunin ang susi ng gate sa function room ng barangay hall, para kumuha ng scaffolding na gagamitin sa paggawa ng arko sa kanilang barangay.
Laking gulat ni Consigno nang naka-padlock ang function hall, ikinandado raw ni Suazo na sumunod lang umano sa utos ni Delos Reyes.
Binigyan umano siya ni Delos Reyes ng P100 para gawin ang utos nito.
Sinabi ni Consigno na ginagamit nilang bodega ang lugar para paglagyan ng mga kagamitan ng kanilang barangay.
Si Consigno ang tumalo kay Delos Reyes sa nakaraang halalan
Si Delos Reyes ay 26 taon nagserbisyo sa barangay sa iba’t ibang posisyon.