Advertisers
Nalambat ang apat na magkasabwat sa pamamalakad ng isang drug den sa isinagawang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 sa Barangay Talon-Talon sa Zamboanga City noong Sabado ng gabi, August 24, 2024.
Nasa kustodiya na ng PDEA-9 ang apat na suspects, sina Henry Daniel Alvarez Soriano, 46-anyos; Rosebie Salih Hilacio, 29-anyos; Alvin Mark Opao Haili, 34-anyos; at Totoh Jama, 40-anyos, at lahat nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
Sa ulat nitong Lunes ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, abot sa P41,300 ang halaga ng shabu na nakumpiska mula sa kanila ng magkasanib na PDEA-9 agents at ng kasapi ng Zamboanga City Police Office sa isang entrapment operation mismo sa kanilang drug den sa Puerto Princesa Drive sa Barangay Talon-Talon.
Naikasa ang naturang operasyon kasunod ng isang linggong magkatuwang na pagmamanman ng PDEA-9 sa drug den ng apat na dinadayo ng mga kapitbahay at mga parukyanong mula sa kalapit na barangay.
Agad na isinara ng mga PDEA-9 agents, mga pulis at mga barangay officials sa Talon-Talon ang drug den ng mga suspects.