Advertisers
ILANG beses na nagtangkang manuhol ang operator ng scam hub sa Lapu-Lapu City para makalaya at malusutan ang kanyang kaso, ayon sa pagbubunyag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio noong Lunes.
Sinabi ni Casio na tatlong beses siyang sinuhulan ni Zao Lao, isang Chinese national na pinaniniwalaang may-ari ng sinalakay na Tourist Garden Resort, mula nang isinagawa ang raid noong Agosto 31.
“We were able to catch the owner (of) the Tourist Garden Hotel. Mind you, this guy is obviously guilty. He has already attempted to bribe me three times as of last night. He made his third attempt to bribe me to allow to let him go, so obviously this guy is caught red handed,” wika ni Casio.
Nabatid na dalawa sa tangka nitong panunuhol ay nakuhanan pa ng video ng senior correspondent ng BNC.
Matapos ang raid, nakipagpulong si Casio kay Zao sa harap ng 17-anyos na apo ng huli na nagsilbi niyang interpreter.
“Didn’t we have another way to fix this problem?”, tanong niya.
Pagkatapos noon, muling nagsalita si Zao na isinalin ng kanyang apo.
“He want to ask, did we have another way to fix this problem?,” pagdetalye ng apo nito.
Nanindigan naman si Casio ng `no.’
Target ng raid, sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 7 sa koordinasyon ng PAOCC, Bureau of Immigration, at Military Intelligence Group ang ilang ballroom sa loob ng resort kung saan 162 foreign nationals umano ang hinahawakan at pinilit na magtrabaho.