Advertisers

Advertisers

3 estudyante todas sa road trip

0 12

Advertisers

Nasawi ang tatlong estudyante habang isa ang nasa kritikal na kalagayan nang bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa isang truck sa gitna ng kanilang road trip sa Pinamungajan, Cebu noong Sabado.

Kinumpirma ng Pinamungajan Police Station na pumanaw na noong Lunes nang umaga ng isa sa mga pasahero na kinilalang si Jade Roca Engle, 22-anyos, mula sa Tacloban City, dahil sa mga tinamo nitong sugat sa ulo at katawan.



Kasama ni Engle ang tatlo pang college student sa isang road trip patungo sa bayan ng Aloguinsan nang bumangga ang kanilang sinasakyang kotseng hatchback sa kasalubong na prime mover sa Sitio Bulobogan, Barangay Tajao pasado alas-tres nang madaling-araw noong Sabado.

Agad na namatay ang driver na si Jan Raydel Booc, 20-anyos, isang aeronautics student at kasamang si Stephen Sabornino, 18-anyos.



Isinugod naman sa ospital sina Engle at Rev Luther Alolo, 19-anyos na kapwa nagtamo rin ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Noong Lunes nang umaga, pumanaw na si Engle habang si Alolo ay nananatili nasa kritikal na kondisyon dahil sa malubhang mga sugat.



Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis na tinatahak ng grupo ang daan patungong Aloguinsan mula sa Toledo City kung saan sila nagpalipas ng gabi sa isang inuman.

Lumihis umano ang kotse sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa kasalubong na prime mover.

Bago ang aksidente, iniulat din na sumalpok ang hatchback na minamaneho ni Booc sa isang tolda ng lamay sa gilid ng kalsada.

Ayon kay Diomar Bugna, driver ng prime mover, nakita na niya na pagewang-gewang ang takbo ng kotse mula sa malayo.

Agad umano siyang nagpreno para hindi sila magkabungguan.

Sa kabila ng pagsabog ng isang gulong ng kanyang truck, hindi pa rin naiwasan ang banggaan, kung saan tumama ang hatchback sa driver’s side ng truck.