Advertisers
Ni Cris Ibon
HINDI paman nag-iinit ang puwet sa pwesto dahil Oktubre 14 palang naitalaga bilang police director ng Quezon Province si Colonel Ruben B. Lacuesta ay sinisira na agad ang kanyang pangalan ng isang nagpapakilalang alyas “Jong Valera” na tahirang tong collector ng illegal vices sa Region 4A, CALABARZON area.
Dahil dito hiniling ng grupo ng Anti-crime and Vice- crusader kay Col. Lacuesta na hulihin si Valera na isang notoryus at beterano sa pangongotong sa mga ilegalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon gamit ang iba’t ibang opisyales ng Philippine National Police sa pangingikil ng payola sa mga financier ng illegal gambling, paihi/buriki at maging ng illegal drugs.
Sinabi ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na umiikot si Valera sa buong probinsya ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan. Kinakausap niya ang mga lord ng gambling, paihi, smuggling, illegal logging at iba pang ilegal na negosyo, at nagpapakilala na siya ang sugo ni Col. Lacuesta upang ayusin ang lahat ng kalakaran ng ilegal para maging malinis, pulido at walang sagwil na makapag-operate.
Kapalit ng paniniguro ni Valera na walang hulihan sa operasyon ng mga kailegalan sa buong probinsya ay ang regular at tuloy-tuloy na lingguhang ‘protection money’ sa Area of Responsibility (AOR) ni Col. Lacuesta.
Ibinunyag din ng MKKB na P1 million ang kinolektang “good will money” Valera mula sa mga paihi/buriki operator na sina Troy ng Barangay Salinas, Lucena City; at alyas Sammy at Alfred upang ang mga ito ay huwag bulabugin at patigilin ang operasyon ng mga elemento ng Quezon Provincial at mga lokal na pulis.
Bukod pa sa pasalubong ay may tig-P300,000 na lingguhang payola pa ang kokolektahin sa mga ito ni Valera.
Sa isang meeting sa pagitan din ni alyas Valera at ng grupo ng mga financier ng ilegalistang pergalan (peryahan na pulos sugalan) na ginanap sa isang 1st class restaurant sa Lucena City, binigyan nito ng “go signal” na ituloy ng mga pergalan operator ang kanilang illegal table at card game at iba pang uri ng pasugal.
Ang ilan sa nabigyan ni Valera ng “permit” upang magpasugal gamit ang pangalan ni Col. Lacuesta ay mga malalaking peryahan maintainer na kilala ding drug pushers na sina alyas Ajie Tomboy, na nag-ooperate ng mga pergalan malapit sa Pacific Mall, Lucena City; alyas Mely sa Brgy. Wakas, Tayabas City, Francia sa bayan ng Candelaria at iba pang pergalista sa kondisyong P2m “kada isang bagsakan”.
Pati ang kinatawan ng mahigit sa 150 illegal loggers na kilala rin sa tawag na “magkakahoy” ay nakipagkasundo din kay Valera, na tuloy ang chainsaw cutting ng mga malalaking punong kahoy, troso at coco lumber sa areglong P5,000 kada kinsenas o P1.5m protection money bawat buwan.
Sa halip na mangolekta ang tong kolektor ni Valera ng lingguhang intelhencia ay “lagom” nitong kokolektahin ang tmbre sa pangalan nina Col. Lacuesta at Gov. Tan.
Ayon sa MKKB, kailangang kumilos na sina Col. Lacuesta at Gov. Tan laban sa naturang masasamang elemento sa kanilang hurisdiksyon upang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa kapulisan at re-electionist na doktorang gobernador, na paulit-ulit na nanawagan na huwag pagkutaan ang kanyang lalawigan ng sindikatong paihi/buriki at iba pang ilegalista.
Nauna nang nanawagan ang MKKB kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director, Major General Nicolas Torre III na aksyunan ang sindikatong paihi/buriki na pinamumunuan ni “Rico Mendoza” at nag-o-operate sa tapat ng Toyota Car Parking Area sa Brgy. Banaba South, Batangas City at Brgy. Bulihan sa Malvar, gayundin ang magkakasosyong Duterte Die Hard Supporter PNP colonel at hitman/bodyguard Sgt. Buloy sa may main gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara; magkakasosyong alyas Tisoy, Nonit, RR at Roy na nagpapaihi ng petroleum at pasingaw ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga barangay San Felipe at Bawi sa bayan ng Padre Garcia sa Batangas.
May mga paihian din sina alyas Amang at Violago Group sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite, Ador at kapatid nito sa Brgy. Paciano Rizal, Calamba City at Silangan Exit, Cabuyao City at isa pang kuta ng paihi sa bayan ng Tanay, Rizal.