Advertisers
Patay ang isang driver at sugatan ang helper nito nang pumalya ang preno ng minamanehong 10-wheeler oil tanker na dumausdos sa daan at bumangga sa isang establisimyento at sumabog na ikinasunog ng mga kabahayan at istraktura sa Barangay Puguis sa La Trinidad, Benguet noong Sabado ng gabi.
Sa nakuhang impormasyon ni La Trinidad Mayor Romeo Salda, paakyat ang oil tanker sa may Longlong Road patungong Pico-Puguis area 11:30 ng gabi ng biglang pumalya ang preno nito.
Dito, nawalan ng kontrol ang driver sanhi upang mahulog ang tanker sa tabi ng daan at nag-slide pababa saka sumalpok sa isang establisimyento sa may intersection Puguis main road.
Matapos ang may 30 minuto, biglang sumabog ang truck/tanker at kumalat ang apoy bunsod ng tumagas na gas sa highway.
Maraming kabahayan at commercial structures ang iniulat na nadamay sa sunog.
May karga ang oil tanker ng 30,000 litro ng diesel at 10,000 litro ng gasoline na nakatakda sanang i-deliver sa gasoline station sa bayan.
Idineklara ng La Trinidad Fire station na fire under control 3:30 ng madaling araw nitong Linggo habang fire-out ng 5:12 ng madaling-araw.
Patuloy ang clearing operations sa lugar kasabay ng imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala na idinulot ng pagsabog ng tanker.
Sa inisyal na ulat ng La Trinidad Fire Station, anim na establisimyento ang nasunog na may kabuuang pinsala na mahigit P11 million.