Advertisers

Advertisers

Catera, bagong record sa high jump, Haylee Garcia, 5 ginto sa 2024 Batang Pinoy Gymnastics

0 9

Advertisers

ISA pang bagong record ang itinala ni Franklin Catera ng Iloilo sa centerpiece sports na athletics habang nagpapatuloy ang maiigting na kompetisyon sa pagitan ng nagtatanggol na overall champion City of Baguio at City of Pasig sa ginaganap na 2024 Batang Pinoy National Championships sa iba’t-ibang lugar dito sa Palawan.

Binalewala ng 17-anyos na si Catera ang matinding init upang abutin ang bagong record na 1.98 metro sa High Jump Men Under18 upang angkinin ang kanyang unang gintong medalya sa multi-sports na kompetisyon na ginaganap ang lahat halos ng sports sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Winalis naman ni Haylee Garcia ng City of Pasig ang lahat ng nakatayang gintong medalya sa FIG Senior – Women’s Artistic Gymnastics na ginanap sa Maynila upang tanghalin na most bemedalled na atleta sa nagpapatuloy na 2024 Batang Pinoy National Championships.



Inangkin ni Garcia mula sa Club Gymnastica Pasig at nasa pagtuturo ni Van Simon Talingting ang lahat ng nakatayang limang paglalabanang gintong medalya matapos nitong magwagi sa Individual All-Around (46.9), Balance Beam (11.85), Floor Exercise (12.6), Uneven Bars (10.9) at ang Vault (11.775).

Tigatlong gintong medalya naman ang iniuwi nina Mariano Matteo Medina ng Pasig City at Jalorrae Cxethreen Lictao ng Baguio City sa archery upang pangunahan ang kanilang mga probinsiya sa matinding pag-aagawan para sa titulo at pangkalahatang korona.

Dinomina ni Medina ang Under 13 Men Recurve sa pagtala ng 334 sa 30m1 distance at 351 sa 30m2 para sa kabuuan na 685 puntos para sa kanyang unang tatlong ginto. Nakatakda pa itong sumabak sa tatlong event para sa posibleng pagwawagi ng anim na ginto.

Hindi naman nagpaiwan si Lictao na nagtala ng 331 at 336 iskor sa 30m distance para sa kabuuang 667 puntos. Asam nito ang dalawa pang ginto sa Mixed at Olympic round.

Nagtala din ng bagong record sa swimming si FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City sa itinala nitong 2:28.71 minuto na bagong record sa Girls 16-17 200m Breastsktroke. Tinabunan nito ang dating record na 2:29.61 ni Jie Angela Mikaela Talosig ng Cotabato.

Nag-ambag din si Jaime Uaander Maniago ng Quezon City ng bagong record sa pagtatala ng 1:06.78 minuto sa Boys 16-17 100m breaststroke para tabunan ang dating record na 1:07.66 ni Morie Pabalan ng City of Pasig noong 2023.



Una nito ay bumasag din ng record si Albert Jose Amaro II ng Naga City sa Boys’ 16-17 100-m Freestyle sa oras nito na 52.59 segundo sa final match para talunin ang dating Batang Pinoy record na 53. 29 seconds.

Kinapitan ng City of Pasig ang pangkalahatang liderato na may 35 ginto, 18 pilak at 26 tanso para sa kabuuang 78 medaly. Pangalawa ang City of Quezon (14-12-20=46) kasunod ang City of Santa Rosa (14-11-4=29) at pang-apat ang nagtatanggol na kampeon na City of Baguio (12-19-19=50). Panglima ang City of Muntinlupa (12-5-6=23).