Advertisers

Advertisers

BBM: HUWAG KANG LALAMBOT-LAMBOT

0 81

Advertisers

HINDI kami magtataka kung isampa sa wakas ang impeachment complaint sa susunod na linggo laban kay Sara Duterte. Ito ang pinakatampok na sagot laban sa maalab na hangarin ni Sara na maagaw ang poder kay BBM. May malinaw na batayan upang mapatalsik sa poder dahil hindi niya maipaliwanag kung paano niya ginamit ang P612-M na confidential fund.

Hinog na ang panahon upang patalsikin si Sara sa pamamagitan ng impeachment. Ito ang sigaw ng mga lider pulitikal sa maraming bahagi ng bansa. Samantala, kumilos na rin ang propaganda machine ng mga Duterte. Ipinapalabas nila na umurong na ang gobyernong BBM sa planong impeachment. Naduwag ang kampo ng BBM sa puwersa ng mga Duterte.

***



HATINGGABI ng Huwebes, katatapos ng QuadComm public hearing na inabot ng halos 13 oras nang ilipat ko ang aking laptop sa podcast na “Facts First” ni Christian Esguerra, isang batikang manunulat na ngayon ay bumabaybay sa broadcast journalism. Nanonood at nakikinig ako sa kanyang programa dahil walang kinikilingan si Christian. Dala-dala ni Christian ang prinsipyo ng malayang pamamahayag. Walang isponsor ang programa at tanging ang reputasyon, utak, at bayag ang bitbit ni Christan sa programa.

Sa pagtatapos ng panayam kay Dionisio Santiago, dating AFP chief of staff, nagbigay si Christian ng sariling opinyon hinggil sa panghihikayat ni Gongdi sa militar na makialam at agawin ang poder kay BBM. Malinaw na inuuga ni Gongdi ang gobyerno ni BBM at kahit si Christian ay hindi natuwa na udyukan ni Gongdi ang mga sundalo. Hindi siya natuwa sa hindi katanggap-tanggap na gulo na nilikha ni Sara. Sa kanya, malinaw na destabilisasyon ito at nais ng mag-ama na agawin ang poder kay BBM.

Ngunit mas hindi natuwa si Christian sa lamig at kabagalan ni BBM na kumilos. Sa tagal-tagal ng pang-iinsulto at panggulo ng mag-ama, noong Lunes lang nagsalita si BBM ng “papalagan ko na.” Nagbabala si Christian na kung muling mangyayari ang 1986 kung saan ang mga Marcos ay pinatalsik ng sambayanang Filipino sa isang mapayapang himagsikan, mas hindi katanggap-tanggap kung mauulit ito at pinatalsik lang ang batang Marcos ng mga Duterte na naging kalaban niya sa pulitika sa kasalukuyan.

Nagbabala si Christian na hindi tratratuhin si BBM ng maayos ng mga Duterte kung muli silang makakabalik sa poder. Hindi makakaasa si BBM ng parehas na trato mula sa mga Duterte. Kung tama ang unawa ko, nais ni Christian na mas maganda kung gagalaw siya at uunahan ang mga Duterte. Pero mukhang nangyayari na ito, aniya. Nasusukat ito sa pag-isyu ng subpoena ng NBI kay Sara at pagsampa ng demanda ng direct assault ang Quezon City Police Department laban kay Sara dahil sa inasal niya sa ospital.

Sa maikli, huwag lalambot-lambot si BBM dahil talagang aagawin ng mga Duterte ang poder. Huwag biruin ni BBM ang mag-ama. Gagawin nila ang lahat upang maagaw ang poder sa mabilis na paraan. Sa ganang amin, pinakamaganda na gamitin ni BBM ang batas bilang armas upang pahinahin ang mag-ama sa pulitika.

***



HULING baraha ni Gongdi ang ibinabando niyang people power revolt. Ito ang pag-uudyok niya sa sambayanan na mag-alsa laban sa gobyerno ni BBM. Unang baraha niya na udyukan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, o AFP, na bawiin ang suporta ng ga sundalo kay BBM upang maupo ang kanyang anak bilang bagong pangulo. Parehong mintis ang dalawang baraha dahil hindi ito kumuha ng suporta sa mga mamamayan at AFP.

Hindi sinuportahan ng mga sundalo ang panawagan ni Gongdi. Hindi binili ang katwiran na alisin si BBM dahil “adik.” Lumantad si Gen. Romeo Brawner, AFP chief of staff, at sinabi na hindi trabaho ng AFP na makialam sa pulitika. Ang trabaho ng AFP ay pangalagaan ang bansa at sambayanan, bigyan ng proteksyon ang teritoryo, at kumapit sa Saligang Batas at ipatupad ito. Ang katapatan ng bawat sundalo ay sa Saligang Batas at hindi sa sinumang pulitiko, ani Brawner. Lumabas na walang suporta si Gongdi sa AFP.

Nagmintis rin ang itinakdang people power revolt ng mag-amang Duterte sa EDSA Shrine. Nag-umpisa ito noong Martes, ngunit hindi ito humatak ng maraming tao. Maliban sa ilang mga panatiko at hinakot, hindi ito nakatawag ng pansin. Maituturing na isang malaking kabiguan ang people power ni Gongdi. Hindi na ito pinag-uusapan.

May tumawag sa akin na dumagsa umano ang mga tao sa EDSA Shrine. Buong akala namin ay may malaking pagkilos noong Martes. Hindi lampas sa 300 ang mga dumalo. Marami sa kanila ang hindi alam kung bakit sila nandoon. Walang tumayong lider sa pagkilos. Pagsapit ng hatinggabi ng Miyerkules, bumagsak ang bilang sa 100. Sinabi ng PNP na binayaran umano ang mga dumalo. Sino ang mangahas sumama sa people power ni Gongdi at Sara?

***

NOONG Martes, nagbigay ng presentation si Sonny Trillanes sa ika-12 pagdinig ng QuadComm kung saan ipinaliwanag niya na hindi totoo ang naratibo ni Gongdi na galit siya sa droga. Ipinilit ni Trillanes sa kanyang presentation na mismong si Gongdi ang may sariling drug cartel at ginamit niya ang poder ng panguluhan upang patayin ang kumpetisyon sa droga.

Inabot ng mahigit isang oras ang kanyang presentation kung saan harapan niya inakusahan na “kasabwat” si Wilkins Villanueva sa sindikato ni Gongdi sa droga. Hindi nakapalag si Villanueva at tahimik siya sa hearing na pinamunuan ni Surigao del Norte Kin Robert Ace Barbers bilang presiding officer. Inakusahan ni Trillanes si Gongdi, anak na Polong Duterte, Bong Go, Bato dela Rosa, at iba pa tulad ni Michael Yang, Samuel Uy, Charlie Tan. Ipinaliwanag ni Trillanes na “honorary member” si Polong ng “Sam Gor” group na bahagi ng Chinese Triad.

***

MGA PILING SALITA: “Misfit Sara likes to be on the offensive. But she can’t be an amok forever. It’s just unsustainable. Somehow, she’ll reach a deadend. Moreover, she’s subject to the dynamics of the political system. As the VP, she doesn’t have the political leverage. She does not have a choice.” – PL, netizen, kritiko

“Hanggang kailan iniiwasan ni Misfit Sara ang isyu ng kanyang paggasta ng kanyang confidential fund na umabot sa P612-M sa pinagsamang OVP at Deped? Hanggang iniiwasan niya ito, iisa lang ang iisipin ng mga mamamayan: dinambong niya ito at napunta sa bulsa niya. Mandarambong siya.” – PL, netizen, kritiko

“SWOH is treating the VPSPG like her own private army. Reminder lang, professional men in uniform kayo, di kayo goons.” – Joel Cochico, netizen, kritiko