HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kawal na manatiling nakatuon sa kanilang misyon sa kabila ng mga kaguluhan at ingay sa paligid.
Ginawa ni PBBM ang pahayag matapos bumisita sa Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp General Guillermo Nakar sa lalawigan ng Quezon nitong Biyernes, Nobyembre 29.
Ipinaalala ng Pangulo na ang trabaho ng mga sundalo ay pagandahin ang Pilipinas at hindi para makipag-away sa walang kwentang bagay.
Binigyang-diin ng Presidente na iisa ang misyon ng lahat at ito ay ang ipagtanggol ang sambayanan at ang Republika ng Pilipinas.
Samantala, muli ring ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng administrasyon sa AFP, PNP, at lahat ng tagapaglingkod sa ilalim ng SOLCOM.
Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang mga sundalo sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa bayan kung saan hinimok din silang ipagpatuloy ang kanilang mahusay na trabaho para sa mas ligtas at progresibong Pilipinas. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)