Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
KINIKILIG si Jolina Magdangal kapag naririnig niyang hanggang ngayon ay inspirasyon sila ni Marvin Agustin para sa maraming tao.
Lalo pa nga at ngayon na may bago silang pelikulang ipalalabas, ang Ex Ex Lovers sa February 12.
“Ako kinikilig ako,” bulalas ni Jolina. “Kasi sila ngayon yung alam nila kung ano yung nangyayari ngayon, alam nila yung mga dapat napapanood na rin,” pagtukoy ni Jolina sa direktor ng Ex Ex Lovers na si JP Habac, sa producer ng pelikula na si Antoinette Jadaone at sa writer ng pelikula na si Kristine Gabriel.
“And iba na rin yung ideas ngayon ng paggawa ng pelikula at ng istorya.
“So parang pag nasasabi na inspirasyon kami at yung naging proyekto namin, parang ang sarap ng feeling dahil nung ginagawa namin iyon, hindi naman… ako nung ginagawa namin yung mga movies namin hindi ko naman inisip na parang, ‘Ah, para good example ito.’
“Hindi, e! Talagang in-enjoy ko lang talaga yung movie na kasama si Marvin, yung istorya ang ganda, para talaga dun sa edad namin nung time na yun.
“So masarap yung feeling.
“Pero minsan hindi na namin tinitingnan ni Marvin, hindi na namin pinapanood kung ano yung naging eksena namin kasi ako basta makita ko lang sila direk tsaka maiyak sila or matawa sila, kiligin sila, that’s it pansit, iyon na yun.”
Ang Ex Ex Lovers ay tungkol kina Joy (Jolina) at Ced (Marvin) pati na rin kina SC (Loisa Andalio) at Joey (JK Labajo).
Mula sa Project 8 Projects, Cornerstone Entertainment at distributed locally ng Warner Bros. Pictures mapapanood ang Ex Ex Lovers sa mga sinehan simula February 12.
Bakit hanggang ngayon ay damang-dama pa rin ang init ng pagmamahal ng publiko sa tandem nilang MarJo?
“Ako siguro dahil hindi namin binitiwan yung mga nagsu-support sa amin, yung mga nagmamahal sa amin.
“Na talaga namang bigay na bigay ang pagkakilig nila magkatinginan lang kami,” say ni Jolina.
“And siguro ang nangyari kasi doon hindi kasi namin ever ginawang script ni Marvin kung ano yung gagawin namin.
“Minsan lumalabas na lang sa amin tapos iyon yung natural, siguro nagba-bounce lang yung aming energy na talagang kinikilig… ako kinikilig ako dun sa loveteam ha, talaga.
“Pero sana hindi lang din may movie ulit, talagang kahit ano pa’ng gawin… tsaka ang nangyari naman kahit nag-restaurant si Marvin, ako naman meron akong iba pang projects na ginawa, hindi naman kami nagkaaway or hindi kami nagkagalit kaya siguro merong MarJo pa rin and meron ding Marvin and Jolina, di ba?
“So… ‘pag mahal mo talaga ang industriya I guess maganda rin ang ibibigay sa iyo, yung isusukli sa iyo,” sinabi pa ni Jolina.