Advertisers
Nasawi ang isang lalaki sa Cabuyao, Laguna dahil sa rabies noong Mayo 19, siyam na buwan nang makagat ng aso at makatanggap ng isang dose lang ng anti-rabies vaccine.
Kinilala ang biktima na si Janelo Limbing, 31, manggagawa sa pabrika, na nakagapos sa kama ng ospital at dumadaing sa matinding sakit sa video na kuha ng kaniyang kinakasamang si Eva Peñalba.
Ayon kay Peñalba, nakagat si Limbing noong Agosto 2024 habang nasa Cavite.
Kaagad naman itong nagpabakuna sa isang pribadong clinic pero hindi na bumalik para sa dalawang natitirang dose dahil sa takot na mabawasan ng kita sa trabaho.
Noong Mayo 15, nagkaroon si Limbing ng lagnat at unang na-diagnose ng acid reflux pero makalipas ang ilang oras, lumitaw ang sintomas ng rabies tulad ng hirap sa paghinga, hydrophobia, at aerophobia.
Dinala siya sa Cabuyao Hospital at kalaunan ay inilipat sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, kung saan pumanaw siya ilang oras matapos dumating.
Sa isang video, makikita namang nakagapos si Limbing sa kama habang nagsasabing “I love you” at nag-iwan din umano ito ng pasasalamat sa kaniyang pamilya at bilin sa mga anak.
Iniwan ng biktima si Peñalba at dalawa nilang anak na edad 9 at 7, at ipinagbubuntis ng asawa.
Ipina-cremate naman ang labi ni Limbing batay sa payo ng mga doktor dahil posible umanong mailipat pa ang rabies.