Isko sisilipin ang katiwalian sa zoning permit sa MCH
Advertisers
TINIYAK ni Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi maaaring palagpasin ang mga reklamo ng umano’y katiwalian sa Zoning Department ng Manila City Hall.
Sa kanyang pag-upo sa Hunyo 30 ng hapon, sinabi ni Domagoso na kanilang sisi-lipin ang kaliwa’t kanang reklamo sa nasabing departamento.
Ayon kay Domagoso, ang zoning department ang nagbibigay ng clearance sa mga nagpapatayo ng bahay o establisyimento upang matiyak na naaayon sa batas ang itatayong istraktura tulad nalang ng wastong paggamit ng lupa, tamang distansya mula sa kalsada at kalapit na ari-arian at iba pang zoning restrictions.
Sa pagkakataong ito, nagkakaroon ng pagkakataon ang naturang departamento upang pahirapan at hingan ng kotong ang mga kumukuha ng building permit.
Ibinahagi ni Isko ang isang complainant na lumapit sa kanya dahil hinihingan siya ng P300,000 para sa pagpapagawa ng isang bahay para sa 30 metro-kwadradong lupa kapalit ng zoning permit.
Ang pagkuha ng zoning permit ay lalong nagpapahirap sa mga taga-Maynila kungsaan isang insidente ang nagawa pang umutang sa PAG-IBIG ng kalahating milyon para sa pagtatayo lamang sa 60 metro-kwadradong lupa ngunit hinihingan siya ng P500,000 ng emple-yado nang kumukuha ng zoning permit.
Sa mga reklamo, nababanggit ang isang alyas “Marlon” na nagpapahirap sa mga kumukuha ng zoning permit at sumisingil ng napakataas na presyo kahit may naiprisinta ng blue print.
Ayon kay Yorme, nakakaawa ang mga biktima sa ganitong uri ng korapsiyon lalo pa at isang matanda ang nagwala sa harap ng zoning department dahil narin sa hirap at pagod na pinagdaanan sa pagpabalik-balik sa tanggapan para lamang makakuha ng nasabing mga dokumento.(Jocelyn Domenden)