Advertisers

Advertisers

Customs broker at utol kulong sa kotong

0 17

Advertisers

Pinangunahan ng Bureau of Customs-Customs Intelligence and Investigation Services sa Manila International Container Port (BOC-CIIS-MICP), katuwang ang National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD), ang pagkakaaresto sa isang Customs broker at ang kanyang kapatid dahil sa umano’y tangkang pangingikil ng halagang P1.9 milyon sa isang lokal na freight forwarder.

Arestado sina Wyeth Lara Navales, isang Customs broker, at ang kanyang kapatid na si Leila Lara Navales, sa isinagawang entrapment operation sa Maku Coffee, Ermita, Maynila, matapos ireklamo ng negosyanteng si Kenji Otsuka ng Otsuka Freight Forwarders Co., Ltd.

Ayon sa ulat ng BOC, tinangka umano ng magkapatid na kikilan si Otsuka sa pamamagitan ng paghingi ng karagdagang P1.9 milyon bilang “grease money” kapalit ng pagpapalabas ng kanyang shipment, sa kabila ng nauna nang pagbabayad ng P500,000 bilang “all-inclusive engagement fee” para sa serbisyo ng broker at kaukulang buwis.



“It was to my understanding that the complainant was given only until June 3, 2025, to produce an additional P1.9 million on top of the P500,000 already previously paid,” pahayag ni CIIS Director Verne Enciso. “Kahit na Hunyo 2 lang nagsampa ng reklamo si Otsuka, agad tayong kumilos upang maharang ang deadline na ibinigay ng mga suspek.”

Ayon naman kay BOC Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, ginamit umano ng suspek na si Wyeth ang taktika ng pagbibigay-banta sa importer, sa pagsasabing ang kargamento ay ilalagay sa ilalim ng isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) kung hindi agad maibibigay ang karagdagang halaga.



“The broker claimed that the money would act as ‘grease money’ for various offices to expedite the release of the shipment from being on hold,” dagdag ni Uy.

Sa isang pahayag, sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na hindi ito bagong modus operandi ng ilang mapagsamantalang indibidwal na nakikipagtransaksyon sa ilalim ng pangalan ng ahensya.



“These individuals have villainized the agency for their own gain. They extort money from unsuspecting importers using the false pretense of padulas or grease money, but in reality, they only line their own pockets,” giit ni Commissioner Rubio.

Nahaharap ngayon ang magkapatid na Navales sa kasong Robbery with Violence or Intimidation of Persons by Way of Extortion sa ilalim ng Revised Penal Code.

Matapos ang pagkakaaresto, dinala sila sa tanggapan ng NBI-AOTCD para sa booking procedures at isasailalim sa inquest proceedings.