Advertisers

Advertisers

Torre: Lahat ng pulis dapat mas maitim kaysa sa akin

0 12

Advertisers

Idinaan sa biro ni Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre III ang kanyang plano na palakasin ang police visibility at palabas sa kalsada ang mga pulis na nakatambay lamang sa mga presinto at police boxes.



Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Torre na lahat ng mga pulis dapat na mas maitim kaysa sa PNP chief kaya obligado ang mga ito na lumabas sa kanilang mga presintong mayroong aircon at maglakad sa kalsada para mas madaling malapitan ng publiko.

Nais ng PNP chief ang maagang pagtugon ng mga alagad ng batas kapag kailangan ng mamamayan ang kanilang pagtugon kaya palalabasin ang mga nagpapalamig-lamig lamang sa kanilang mga opisina.

“Gusto kong sabihin sa kanila na lahat ng pulis ay dapat mas maitim kaysa sa Chief PNP ha. Alangan naman ang Chief PNP ang pinakamataas, kailangan lahat sila maglakad sa kalsada para makita sila,” sabi ni Torre.

Sinabi ng PNP chief na kung wala namang nagaganap na imbestigasyon sa mga police community precint at police boxes at naghihintay lamang ng responde, mas mabuting isara ang mga ito para lumabas sa kalsada ng mga pulis.

Upang masustini aniya ang 24/7 na presensya ng mga pulis sa mga pampublikong lugar, sinabi ni Torre na ginawa nitong walong oras ang duty kada araw ng mga pulis at tatlong palitan ng shifts upang masiguro kahit madaling araw ay mayroong nakikitang pulis ang mamamayan.

“24/7 ang presensya ng pulisya lalo na sa Metro Manila kaya ginawa ko ng walong oras kada araw ang tungkulin,” dagdag ni Torre.