Advertisers
Iniimbestigahan na ng West Visayas State University ang viral na nangyayari kung saan isang graduating student umano ang pinigilang umakyat ng stage para tanggapin ang diploma dahil sa kanyang sapatos.
Sa Facebook, naglabas ng unibersidad ng kanilang statement.
“Alam namin ang mga alalahanin na iniharap sa online tungkol sa karanasan ng isang mag-aaral sa araw ng pagtatapos. Lubos naming pinahahalagahan ang boses ng aming mga mag-aaral at kasalukuyang tinitingnan ang bagay na ito,” sabi nito.
“Nagpapasalamat kami sa lahat para sa kanilang pasensya habang sinusuri namin ang aming mga patakaran nang may habag at pagiging patas sa isip,” dagdag pa nito.
Isang Cybelle Rio Jhane Hembra kasi ang naglabas ng hinanakit sa Facebook nang sabihan ng isang faculty tungkol sa kanyang black close shoes.
Dapat daw kasi walang strap ang sapatos at plain lang.
“Tinanggal ko yung strap pero pinigil pa rin kami ng isa pang babaeng marshall at sinabihang bawal talaga ‘yung sapatos ko. Nanglamig ako at natakot sabi ko sa kanya wala akong pamalit. Wala akong extra para bumili,” ani Hembra sa kanyang post.
“Nung nakalinya na kami sa baba ng stage may biglang humawak ng kamay ko. Binulungan ako, ‘Palitan mo ‘yang sapatos mo, humiram ka sa kaklase mo.’ Bumalik ako sa aking kaklase at humiram ng sapatos Nawawalan na ako ng pag-asa dahil alam kong papalapit nang tawagin ang aking pangalan.
“Kahit mangiyak-ngiyak na ako tumakbo ako papuntang stage umakyat nang may mapaklang ngiti. Hindi ako maganda sa larawan na iyon alam ko. Sayang ‘yung 150, dalawang araw ko pang baon ‘yun.
“Buong durasyon ng seremonya nakatulala lang ako. Naiiyak, nanghihina, pinagdadasal na sana panaginip lang lahat ng ‘to. Hindi ko naman alam na dapat ang masaya kong graduation ay masisira pala ng sapatos na pinaghirapan ko,” patuloy pa niya.