Advertisers
PANIBAGONG kabanata at isang hudyat sa pamumuno sa serbisyo publiko ang isinagawa mula sa makabuluhang Turnover of Command Ceremony na ginanap noong Huwebes, June 19,2025 sa SPD Headquarters Grandstand, Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang seremonya ay minarkahan ang pormal na paglipat ng command kay Police Brigadier General Joseph Reyes Arguelles,outgoing District Director, na pinalitan ni Police Brigadier General Randy Ygay Arceo, na ngayon ay namumuno bilang bagong District Director ng Southern Police District.
Si Arguelles ay itinalaga naman sa Police Regional Office 11, na kilala rin bilang Rehiyon ng Davao na mayroong limang lalawigan.
Sa kanyang inaugural address, naglahad si PBGen Arceo ng kanyang estratehikong direksyon para sa Distrito – na itinatampok ang mas mataas na police visibility, nakasentro sa komunidad na pagpapatupad sa batas, at mabilis na pagtugon sa pagpapatakbo sa mga umuusbong na hamon sa seguridad.
Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng transparent at integrity-driven na pagpupulis sa pagpapalakas ng tiwala at kaligtasan ng publiko.
Bukod dito, ipapatupad din ng bagong SPD Chief ang simulation exercise sa mga pulis na dalawang beses kada shift upang maging masigla sa oras ng kanilang duty. Ito ay bilang pagtugon sa kautusan ni NCRPO Director P/ Major Anthony Aberin upang hindi makatulog ang mga pulis sa oras ng kanilang trabaho.
Ang kaganapan ay pinarangalan ng presensya ni Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng National Capital Region Police Office. Ang turnover ay nasaksihan ng SPD Command Group, District Staff, Chiefs of Police mula sa MaTaPatPaMuLaPa cluster, at ng dedikadong kalalakihan at kababaihan ng Southern Police District. (JOJO SADIWA)