DOH: TAOB, TAKTAK, TUYO, TAKIP KONTRA DENGUE, KAILANGANG TULOY TULOY NA GAWIN SA MGA EKSWELAHAN KASABAY NG PASUKAN
Advertisers
MATAPOS ang nakitang pagbaba sa kaso ng Dengue nitong mga nakaraang buwan, pinaalala ng Department of Health (DOH) na kailangang magtuloy-tuloy ang epektibong dengue prevention measure na Alas Kwatro Kontra Mosquito mula sa mga komunidad papunta sa mga eskwelahan lalo na ngayong tag-ulan.
Inilunsad na agad ngayong araw ng DOH ang kampanyang Alas Kwatro Kontra Mosquito sa Antipolo National High School bilang hudyat sa pagsasagawa ng Taob, Taktak, Tuyo, at Takip sa mga paaralan sa Pilipinas para walang pamahayan ang lamok na Aedes lalo na ngayong tag-ulan.
Makikitang pababa ang bilang ng mga nagkaroon dengue sa mga nakaraang buwan dahil na rin sa maigting na pagsasagawa ng Taob, Taktak, Tuyo, Takip sa mga barangay.
“Kailangang magtuloy tuloy ang nasimulan natin sa dengue prevention. Kailangang gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip mula sa mga bahay hanggang sa mga barangay at pati sa mga eskwelahan dahil ang lamok ay lumilipat ng tirahan. Madalas nakikita natin ang pagtaas sa kaso ng dengue kapag maulan. We have to prevent this by intensifying vector control,” pahayag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Mula Enero hanggang Hunyo 2025, umabot sa 123,291 ang mga Pilipinong nagkaroon ng dengue. Pinakamarami sa mga pasyente ay nasa edad 5 hanggang 9 na umabot sa bilang na 27,358.
May nakikitang kaunting pagtaas sa kaso ng dengue nitong mga nakaraang linggo na kinokonsiderang manageable lalo na kung paiigtingin ang vector control. Sa pagitan ng April 27 hanggang May 10 umabot sa 6,192 ang bilang ng dengue cases. Tumaas ito ng 6% na nasa 6,720 ang kaso pagdating ng May 11 hanggang 24.
Sa kabila ng mga kasong naitala, nananatiling mababa ang case fatality rate ng dengue na nasa 0.4%. Ibig sabihin 4 sa 1000 pasyente ang nasasawi sa nasabing sakit.
Kasabay ng vector control, pinaiigting din ng DOH ang tamang edukasyon sa pag-iwas sa dengue at iba pang sakit, kaagapay ang Department of Education. Kasunod ito ng mandato ng Pangulong Bong Bong Marcos na gawin ang lahat para maging lugar ng epektibong karunungan at maayos na kalusugan ang mga paaralan sa bansa.