Advertisers

Advertisers

ABANTE: KAWALANG-GALANG ANG PAGLIBAN NI VP SARA SA TRIAL

0 36

Advertisers

BINATIKOS ni Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr., isa sa mga nag-endorso sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ang patuloy nitong pagliban sa impeachment trial sa Senado, at sinabing nagpapakita ito ng “kawalang-galang” sa proseso ng Konstitusyon.

Ayon kay Abante nitong Sabado sa News Forum sa Quezon City, ang hindi personal na pagharap ni Duterte sa impeachment court ay indikasyon ng kawalang-respeto sa institusyong may tungkuling dinggin at resolbahin ang impeachment complaint laban sa kanya.

“Ang kanyang kawalan ay nagpapakita ng kawalang-galang niya sa constitutional agency na dapat talagang magpatuloy sa impeachment complaint laban sa kanya. Disrespect ’yun eh,” diin ni Abante.

Sinabi rin ni Abante na ganoon din ang naging asal ni Duterte sa Kamara bago paman siya ma-impeach, matapos nitong hindi personal na humarap sa mga mambabatas na nag-iimbestiga sa paggamit ng kanyang confidential funds.

“Ang hirap nun na hindi humaharap ang Vice President sa Congress eh… Hindi tama ang ginawa ng Vice President na ininsulto niya ang Kongreso tungkol diyan. She made a mockery of Congress,” bira ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.

Isa si Abante sa mga nag-endorso sa impeachment complaint laban kay Duterte na naging batayan ng Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara sa Senado, ang nagsisilbing impeachment court.

Bahagi ng reklamo ang mga naunang imbestigasyon ng Kamara sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na parehong pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.

Hindi personal na humarap si Duterte sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa kabila ng mga imbitasyon. Kalaunan, nagsagawa rin ng impeachment proceedings ang House Committee on Justice bago bumoto ang Kamara para i-impeach siya.

Ayon kay Abante, may pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon ang Kongreso na imbestigahan ang mga hakbang ng pamahalaan at magsagawa ng oversight. Dahil dito, aniya, mahalagang personal na humarap si Duterte sa mga alegasyon laban sa kanya.

Hindi rin personal na dumalo si Duterte sa impeachment court mula nang magsimula ang paglilitis noong Hulyo 6, bagama’t regular na dumadalo ang kanyang mga abogado upang ihayag ang kanyang depensa.

Binigyang-diin ni Abante na hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang pagliban ni Duterte, ngunit dapat pa rin itong personal na humarap sa mga alegasyon.

“I might not be able to say guilt, pero alam mo naman sa sports kapag hindi humarap ’yung kalaban, di ba, panalo na ’yung default, default ’yan,” ani Abante.

Inihambing din ni Abante ang pagliban ni Duterte sa sariling impeachment trial sa pagdalo nito kamakailan sa arraignment ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa hiwalay na kasong kriminal.

“Eh siya humarap siya dun sa… sinamahan pa nga niya ’yung kapatid niya eh, di ba? Humarap siya mismo. Bakit hindi siya humarap sa impeachment court? ’Yun ang question ko,” ani Abante.

Noong Biyernes, kinuwestiyon din ng House prosecution panel ang tinawag nitong “selective attendance” ni Duterte, dahil nakadalo ito sa korte para samahan ang kanyang kapatid ngunit hindi naman humaharap sa sarili niyang impeachment trial.

Naalala rin ni Abante na maging ang mga mambabatas na nag-iimbestiga sa confidential funds ni Duterte ay handang magsagawa ng executive session upang maprotektahan ang sensitibong impormasyon habang humihingi ng mga paliwanag kung paano ginastos ang pondo at kung sinu-sino ang nakatanggap nito.

Ang kuwestiyonableng paggastos sa confidential funds ni Duterte ang paksa ng Article I ng impeachment case.
Nitong linggo, nakinig ang Senate impeachment court sa testimonya ni Commission on Audit supervising auditor Xylene Mae del Campo kaugnay ng mga pondo ng OVP at DepEd.

Inilarawan ni Abante ang kanyang sarili bilang isang “silent participant” sa impeachment trial hanggang ngayon, ngunit sinabi niyang regular na siyang dadalo sa mga susunod na paglilitis upang masusing subaybayan ang paglalahad ng mga ebidensya.