ANTI-CORRUPTION WATCHDOG, 14 BARANGAYs SA BULACAN UMAAPELA SA OMBUDSMAN KASUHAN LAHAT NG NASA LIKOD NG GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS
Advertisers
NANAWAGAN sa Office of the Ombudsman ang Alliance for Good Governance (AGG) at mga residente ng halos 14 barangays na binabaha sa Bulakan, Bulacan na tuparin ang pangakong sasampahan ng kaso lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bayan.
Ginawa ng grupo ang panawagan sa gitna ng malawakan paring pagbaha na nakaapekto sa malaking bahagi ng munisipyo.
Ayon sa mga residente, nananatiling lubog sa baha ang mga barangay ng Taliptip, Perez, Matungao, Bambang, Sta. Ana, San Jose, San Nicolas, Balubad, Tibig at Sta. Ines dahil sa habagat at sa nagdaang mga bagyong Luis at Maymay, na lalonh lumala dahil sa mga palpak at ghost flood control projects.
Sabi ng mga residente, habang sila ay lubog sa baha at nawalan ng hanapbuhay, malaya paring nakakakilos at patuloy na nakakakuha ng kontrata sa gobyerno ang TBB Construction Corporation na umano’y nakinabang sa anomalya.
Mariing kinondena ni AGG convenor Alberto Vicente ang aniya ay napakabagal na aksyon ng Ombudsman, at iginiit na dapat isama sa kaso bilang pribadong respondents at kasabwat ang mga pribadong kontratista, hindi lamang ang mga politiko at opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Vicente, mismong ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza ang nagsaad sa kanilang sworn affidavit na ginamit ang puting van ng TBB Construction Corporation sa paghahatid ng male-maletang puno ng multi-milyong pisong cash bilang suhol sa mga opisyal.
Sabi ni Vicente, binanggit din sa naturang affidavit ang mga pangalan nina Ronald Cruz at Raul Enriquez bilang mga umano’y tagahatid ng suhol.
Aniya, sina Ronald Cruz at Raul Enriquez ay mga kaanak nina Vice Mayor Aron Cruz ng Bulakan at ang may-ari ng TBB Construction company na si Antonio Cruz.
Batay sa rekord na nakalap ng AGG mula sa DPWH transparency portal, ang TBB Construction Corp. na nakabase sa Brgy. Matungao ay nakakuha umano ng 145 kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon mula 2018.
Sa katunayan, sabi ni Vicente, ang mismong Brgy. Matungao, na pinamumunuan ni Chairman Anthony Mark Rivera Cruz, ay tumanggap umano ng P72.3 milyong flood control project noong 2024.
Dahil dito, nanawagan ang AGG kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na madaliin ang pagsasampa ng kasong graft o katiwalian, malversation o maling paggamit ng pondo ng bayan, at conspiracy o sabwatan laban sa mga kontratista at may-ari ng kumpanya, dahil hangga’t malaya pa sila ay patuloy na lulubog sa baha ang bayan ng Bulakan.