Advertisers

Advertisers

‘PBBM walang sisinuhin sa missing sabungeros’

0 26

Advertisers

WALANG sisinuhin ang administrasyon ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. sa imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero, diin ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa press breifing itong Huwebes.

Sinabi ito ni Castro nang tanungin siya tungkol sa developments o direktiba mula sa Pangulo hinggil sa imbestigasyon kaugnay ng mga nawawalang sabungero.

Ito’y matapos isangkot ni Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy” ang high-profile personalities tulad nina gambling tycoon Charlie “Atong” Ang, actress Gretchen Barretto, ilang police personnel, at ilang government officials sa pagkawala ng mga sabungero noong kasagsagan ng online sabong ng grupo ni Atong Ang.



Ayon kay Castro, hindi pa sinabi sa kanila ng Pangulo ang bagong direktiba, pero tiniyak niya na walang sasantohin ang Marcos administration.

“Ito naman po ay trabaho po ng Department of Justice at ng ibang law enforcement agencies po natin. Sino man, anumang katayuan sa buhay, kung sila ay personalidad na kinikilala, wala pong sisinuhin ang Pangulo at ang administrasyon,” paliwanag ni Castro.



“Kung may dapat na mapanagutan, dapat lamang po maimbestigahan ng lubos para mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng sinasabi nating missing sabungeros,” dagdag niya.

Hinggil sa pagiging state witness ni Patidongan, sinabi ni Castro na ito’y depende sa findings ng DoJ, dahil sinasala nila ang ibang testimonya.



“Depende po ito sa makikita ng DoJ, ie-evaluate ang testimony niya at kung sino pa yung mga witnesses, depende po yan sa kanilang katapangan, sa katotohanan ng sasabihin nila, at yung pagkakataon na mag-recant sila ng kanilang mga testimonya,”paliwanag ni Castro.

“So dapat nandodoon yung tapang at yung paninindigan na sabihin yung katotohanan” dagdag niya.

Samantala, nitong Huwebes, si Ang ay nagsampa ng multiple criminal complaints laban kay Patidongan at Alan Bantiles alias “Brown” sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office, inaakusahan ang dalawa ng ‘attempted robbery with violence and intimidation’, ‘grave threat’, ‘grave coercion’, ‘incriminating innocent persons’, at ‘slander’.

Bago ito, itinuro ni Patidongan si Ang na siyang utak ng pagkawala at pagpatay sa umano’y 100 sabungeros noong 2021. Sinabi niyang may kinalaman din dito si Barretto sa pagpatapon sa mga bangkay ng mga biktima sa Taal Lake.