Advertisers
DALAWANG bagay ang labis na kinakatakutan ni Misfit Sara kapag natuloy ang paglilitis ng Senate impeachment court sa Articles of Impeachment na inilatag at isinumite ng Camara de Representante laban sa kanya: una, ang makalkal ang kanilang mga bank account ni Gongdi; at ikalawa, ang humarap sa Senado si Zuleika T. Lopez, o ZTL, bilang pangunahing saksi sa usapin ng nawawalang confidential fund na abot sa P612 milyon.
Unahin muna natin talakayin si ZTL, ang babaeng chief of staff ni Misfit Sara sa Office of the Vice President. Siya rin ang nagsilbing chief of staff ni Misfit Sara noong kalihim pa ang huli ng Department of Education (Deped). Lumantad siya sa publiko noong nakaraang taon sa siyasat sa confidential fund ni Misfit Sara ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamunuan ni Kin. Joel Chua ng ikatlong distrito ng Maynila.
Sinasabing labis na malapit si Zuleika T. Lopez, mas kilala bilang ZTL, kay Misfit Sara at siya ang may kinalaman sa totoong nangyari sa P612-M na confidential fund na napunta kay Misfit Sara bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Deped. Isa sa mga paratang kay Misfit Sara ang pandarambong umano ng P612-M na confidential fund.
Tumangging humarap at magpaliwanag si Misfit Sara sa komite ni Chua hinggil sa nangyari sa confidential fund. Hanggang ngayon ayaw magpaliwanag ni Misfit Sara sa pondo at ikinabahala ito ng mga mambabatas dahil labag ito sa batas, tradisyon, at kaugalian na hindi magpaliwanag sa pondo. Ang Kongreso ang may poder na magtakda ng pambansang budget para sa mga gastusin ng gobyerno taun-taon.
Noong ika-21 ng Nobyembre ng nakaraang taon, nakulong ng tatlong araw sa Camara si ZTL nang patawan siya ng contempt ng komite ni Chua dahil sa liham na nilagdaan ni ZTL sa Commission on Audit (CoA). Hiningi ng OVP sa CoA na huwag magbigay ng anumang ulat sa Camara dahil sa “hindi pa tapos ang audit ng CoA.” Itinuturing ito na pakikialam ng OVP sa trabaho ng CoA. Hiningi ni Kin. France Castro ng ACT-Teacher Party List ang contempt order kay ZTL dahil paglabag rin ito sa kapangyarihan ng Camara na magsiyasat.
Naging masigalot ang pagkakadetine ni ZTL sa Camara batay sa contempt motion ni Castro na noon ay deputy minority leader ng Camara. Ikinatwiran ni ZTL na “wala siyang kinalaman” sa liham ng pakikialam ng OVP sa gawain ng Camara at nilagdaan lang niya ang liham bilang chief of staff ng OVP at bahagi ito ng mga routine na trabaho ng OVP. Inilabas ng OVP ang kontrobersyal na liham noong ika-21 ng Agosto ng nakaraang taon.
Bilang pagsuporta, pinilingan ni Misfit Sara si ZTL sa detention center ng Camara hanggang inilipat siya sa Veterans Memorial Medical Center at St. Luke’s Hospital dahil sa anxiety attack. Ito ang pagkakataon kung saan nagbanta si Misfit Sara kay BBM, LAM, at Ispiker Martin Romualdez na gaganti siya at ipapatay sila kung may mangyari sa kanya. Isa ito sa mga rason sa Articles of Impeachment na nilagdaan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara at isinumite sa Senado noong ika-5 ng Pebrero.
Mukhang kabisado ni ZTL ang confidential fund ni Misfit Sara. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi humilay si Misfit Sara kay ZTL habang nakadetine sa Camara. Hinala ito ni Kin. Jay Khonghun ng Zambales at nagpahiwatig ito na baka bumigay at kumanta si ZTL kung sakaling mahihiwalay siya sa paningin ni Misfit Sara. “Bantay sarado” – ito ang salitang kalye na ginagamit sa ganitong uri ng pagbabantay. Sa maikli, maraming alam si ZTL kaya hanggang maaari, pipigilan ng mga amuyong na senador ang anumang paglilitis kay Misfit Sara. Dito nakakasa ang estratehiya ng mga kaalyado ni Misfit Sara.
***
“HATCHET woman” – ito ang tawag kay ZTL sa OVP at Deped. Hindi siya ordinaryong chief of staff ni Misfit Sara dahil binigyan siya ng poder ng kanyang amo na magdesisyon para sa kanya. Siya ang tanging nilalang na may diretsong kaalaman sa bawat galaw ni Misfit Sara. Siya rin ang ganap na nakakaalam sa kapalaran ng confidential fund.
Noong kasagsagan ng pagsisiyasat ng komite ni Chua tungkol sa kontrobersya sa confidential fund na ibinigay ng Kongreso kay Misfit Sara, sumabog ang isyu ng panunuhol ni Misfit Sara sa ilang opisyales ng Deped. Isiniwalat ni dating Deped Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado na binigyan siya ng mga sobre ni ZTL na may laman na P50,000 sa bawat isa ng siyam na pagkakataon. Iniharap ni Mercado ang mga sobre sa pagdinig ng komite ni Chua. Ibinalik niya ang pera na ibinigay sa kanya bilang suhol.
Ngunit nang luminaw na tumanggi si Mercado sa procurement program ng computerization program ng Deped, sinibak ni Misfit Sara si Mercado. Mismong si ZTL ang humingi kay Mercado na magbitiw sa Deped. Siya ang hatchet woman, sa maikli. Hindi lang si Mercado ang pinagbitiw ni Misfit Sara. May mga ilang opisyales ng Deped ang sinibak.
Tumanggi si Mercado na maging bahagi ng plano nina Misfit Sara na lutuin at ituloy ang computerization program at “mag-usap-usap” na lang ang ga bidder upang matapos ang pagkakaiba ng kanilang mga bid. Naganap ito noong Oktubre ng 2023, ani Mercado. Ito ang panahon na mukhang hindi na matutuloy ang program ng Deped. Tumanggi si Mercado na magbitiw at hiningi na magretiro siya na ayon sa batas, ngunit tumanggi si Misfit Sara.
Hindi namin alam kung ano ang nangyari kay Mercado. Hindi namin alam kung ihaharap siya bilang isa sa mga saksi sa paglilitis ni Misfit Sara. Ngunit batid namin na hihingin ng mga taga-usig na pahaharapin si ZTL bilang “hostile witness” na magbibigay ng kanyang pahayag hinggil sa mga nabalitang kalokohan sa confidential fund ni Misfit Sara.