Advertisers
LIMANG international, 25 domestic flights ang nakansela habang 3 ang na-divert dahil sa masamang kondisyon ng panahon sa mga rehiyon na dala ng habagat simula 1:00 PM Martes Hulyo 22, 2025, iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sa ulat ng CAAP, kinansela ng Philippine Airlines (PR) at Cebu Pacific (5J) ang kanilang Manila-Hanoi-Manila flights na PR593/594, 5J744/745 at 5J747.
Kinansela ng Cebu Pacific ang 25 domestic flights at sister company na Cebgo ang nagkansela ng 5 domestic flights mula Manila, Caticlan, Legaspi, Cagayan de Oro, Iloilo, Bacolod, Tuguegarao, Cebu, General Santos, Davao, Tacloban, Bicol at Laguindingan habang ang 5J 193 flight mula Cauayan papuntang Maynila ay inilihis ng Clark International Airport.
Ang AirAsia Philippines flight APG608 mula Bacolod patungong Maynila ay inilihis sa Iloilo International Airport. Isang private Medics aircraft 5157 mula Mactan papuntang Manila ang bumalik sa Mactan dahil sa masamang panahon.
Pinapayuhan ang mga pasahero na regular na suriin ang status ng flight sa kani-kanilang mga airline.
Patuloy na sinusubaybayan ng CAAP ang lagay ng panahon at nakikipag-ugnayan sa mga airline at awtoridad sa paliparan para sa ligtas na paggalaw ng trapiko sa himpapawid
Nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, kakaunti ang mga papaalis na international at domestic pasengers ang nakita sa airline check-in counters ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sarado pa rin ang mga counter dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila na dala ng habagat.
Karamihan sa mga papaalis na pasahero ay nag-rebook ng kanilang mga flight sa ibang mga petsa upang matiyak ang kanilang kaligtasan gayundin ang mga airline na kinauukulan dahil maraming international at domestic flights ang naantala ang pagdating dahil sa masamang panahon hindi lamang sa Maynila kundi sa ibang mga rehiyon.
Samantala, nagbigay naman ang NNIC ng ilang komportableng recliner chair sa NAIA Terminal 3 departure area kung saan maaari silang mag-relax habang naghihintay ng kanilang scheduled flights. (JOJO SADIWA)