Advertisers
PINAKIKILOS ni Senador JV Ejercito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), law enforcement agencies, at local government units sa kanilang hurisdiksyon para tuluyang durugin ang operasyon ng illegal online gambling sa bansa.
“Tuluyan na nating burahin ang operasyon ng illegal gambling. Paliitin natin ang kanilang mundo hanggang tuluyan na silang mapuksa,” wika ni Ejercito.
“Hindi natin sila dapat bigyan ng puwang sa lipunan dahil sinisira nila ang pamilya Pilipino at kinabukasan ng ating mga kababayan, lalo na ang ating kabataan,” sabi pa ng senador.
“Nananawagan tayo sa DILG na kumilos na. Atasan ang mga local government unit—mga governor at mayor—na salakayin at ipasara ang mga ilegal na sugalan, online man o pisikal, sa kanilang nasasakupan,” dagdag pa niya.
Hinikayat din niya ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), e-wallet companies, at iba pang financial service provider na gumawa ng agarang aksyon sa pamamagitan ng pagputol ng access sa online gambling platforms at pagpapahinto sa anumang loopholes ng mga operator at bettors.
“Mauutak ang mga operator at tumataya sa sugal. Kaya nga kahit mga menor de edad ay nakapapasok na. Walang silbi ang paalalang ’21 and above only’ kung hindi naman kayang ipatupad,” diin ni Ejercito.
Dagdag pa ni Ejercito na maaaring mag-isyu ang BSP ng isang circular na nagpapataw ng mas mahigpit na mga regulasyon sa mga platform na ito upang pigilan ang mga menor de edad na ma-access ang mga serbisyo ng online na pagsusugal, na kadalasang matatagpuan sa ilalim ng kategoryang “services” sa mga aplikasyon ng mobile phone.
“Sa tulong ng PAGCOR, mave-verify kung alin sa mga online gambling sites ang legal o hindi. Mula rito, maaari nang kumilos ang NBI para tuluyang matukoy at mapasara ang mga illegal na online gambling sites at mapanagot ang mga sindikato na nasa likod ng mga operasyon nito,” saad ng senador.
“This is no longer just about vice, it’s a national concern that’s eroding values and draining resources from Filipino households. Huwag nating hayaang masira ng illegal online gambling ang ating lipunan at pamilyang Pilipino,” dagdag pa niya.