Advertisers

Advertisers

DIREK JIMMY SANTIAGO MABILIS SA PAG-MONITOR VS DUTERTE PERO MAKUPAD SA PAGSAWATA SA BAGMAN NG NBI!

0 81

Advertisers

BILIB na talaga tayo kay National Bureau of Investigation (NBI) director Jimmy Santiago.

Akalain n’yo, siya mismo ang nagkumpirma umalis ng bansa si Davao City acting Mayor Baste Duterte patungong Singapore kaya hindi ito nakarating sa mala-kenkoy na boxing match sa Rizal Stadium nitong Linggo.

Akala ko, tata-Bureau of Immigration (BI) na si Santiago dahil ang naturang ahensiya po ang may mandato sa pagbibigay kumpirmasyon ng mga pasaherong umaalis at dumarating sa bansa.

Pero dahil ‘Super Lolo’ si NBI chief, hindi tuloy maiwasan na pati ang ahensiya ngayon ay talagang nagpapagamit na sa pulitika —- lalo na kapag ikasisira ng pamilya Duterte.

Sabi tuloy ng mga Ka Usapang HAUZ, ba’t ganun?

Bakit kapag ikasisira nina Tatay Digong at VP Sara Duterte ay nakasawsaw agad ang NBI?

Bakit kapag para linisin ang kawanihan ay kukupad-kupad ang hinahangaan natin sanang NBI chief?

Para sa kaalaman ng lahat, hanggang ngayon po ay tuloy sa kanyang pangongotong ang alyas Paul Tangkad na nagpapakilalang bagman ng NBI na may kasabwat umanong alyas Tama mula sa Office of the Director.

Naipatawag na tayo sa NBI kamakailan. Umasa tayo na umpisa na ito para aksiyunan iyong expose’ natin.

Pero lumipas na ang ilang linggo ay tuloy sa kanyang katarantaduhan si Paul Tangkad na animo’y untouchable at parang gusto ko nang maniwala na protektado ito ng isang tiwaling opisyal ng NBI.

Si Paul Tangkad, isang job order employee na nakatalaga sa Special Task Force (STF), ay may koleksiyon umano ng P2 million weekly o P8 million monthly mula sa illegal na e-sabong at illegal POGO.

Kapalit ng protection money na nakokotong nito ay hindi masalakay ang mga illegal na online sabong sa Dona Remedios Trinidad Cockpit Area, Algay Cockpit Arena at Edwin Cockpit Area sa San Jose del Monte, Norzagaray Cockpit Arena, San Roque Colosseum, Baliwag Circle Cockpit Arena sa Catulinan, bayan ng Baliwag; Golden Colosseum Cockpit sa Calumpit.

Gayundin sa New Kikitisan Cockpit Arena sa Calatagan at New Nasugbu Cockpit Area sa Nasugbu, Batangas. May talamak na illegal na e-sabong din sa Samar province tulad sa Calbiga Cockpit Arena, Marabut Gallera Cockpit Arena at Giporlos Cockpit Arena.

Ito’y sa kabila ng katotohanan na bawal ang e-sabong sa Pilipinas base na rin sa Executive Order No. 9 na ipinalabas ni PBBM.

Ang mga kolektor ni Paul Tangkad ay sina Alyas Limuel, Noel Taba, Jack Tarlac at Alias Datu.

Kung talagang priority ni Santiago na malinis ang NBI mula sa mga bulok na empleyado ng pamahalaan at kung talagang hindi siya nagpapagamit sa pulitika, bakit hindi niya ipahuni agad-agad si Paul Tangkad?

Protektado ba ito nino? At sino ba talaga ang nakikinabang sa kanyang koleksiyon?

Simple lang kasi iyan, mano bang ipa-raid mo iyong mga binanggit kong sabungan at ipagbawal ang mga camera at computer doon na silang source para maipalabas online ang illegal na e-sabong.

Tapos ipaaresto sina Paul Tangkad, Limuel, Noel Taba, Jack Tarlac at alyas Datu.

Kung sabagay, totoo talaga ang kasabihan na kapag gusto may paraan, kapag ayaw may dahilan — lalo na siguro kung may perang involved!

***

Para sa Inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com o tumawag or mag text sa 09352916036