Advertisers

Advertisers

9 ‘KOTONGERO’ SA NAIA SIBAK SA PUWESTO!

0 62

Advertisers

NI-RELIEVED sa puwesto ang siyam na empleyado ng Bureau of Customs (BoC) matapos madawit sa diumano’y ‘extortion’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kamakailan.

Ang mga ito’y pinagre-report sa BoC main office habang isinasagawa ang masinsinang imbestigasyon ng Internal Inquiry Division (IID) ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Kaugnay nito, ipinag-utos din ni BoC Commissioner Ariel Nepomuceno ang ‘24-hour complaint reporting policy’ na tutugon sa agarang aksiyon sa anumang kalokohan sa kawanihan.



Nabatid na nagalit ang BoC chief nang lumabas ang ulat na isang pasaherong babae, sakay ng Cathay Pacific CX 903, mula Hong Kong ang diumano’y kinikilan ng halagang P3.8 million. Nahulihan daw kasi ito ng apat na mamahaling Rolex na hindi deklarado at bilang multa ay pinagbayad ito ng naturang halaga.

Ang pasahero na tubong Compostela Valley, Davao de Oro ay napilitang magbayad para sa ‘duties and taxes’ ng mga bitbit na relo ngunit nang makita ang resibo’y nagulat siya na ang nakalagay na halaga ay P1.8 million.



Ibig sabihin, iyong natitirang P2 million ay maaaring ibinulsa na ng ilang tiwaling Customs personnel na pawang naka-assign sa NAIA Terminal 3.

“We take these matters seriously and there will be no leniency for personnel who abuse their position. Any form of misconduct will be met with immediate and appropriate action,” ani Nepomuceno.



Sinabi ng isang mapagkakatiwalaang source na ang namagitan umano sa transaksiyon ay isang alyas “Kumander” at isang alyas “A”.

“Nadadamay ang mga walang kinalaman. Kawawa naman,” dagdag pa ng importante.

Ang ganitong klaseng ‘modus-operandi’ ng ilang tiwaling BOC employees ay talamak na nagagawa sa nakalipas na pamamahala ni dating BoC commissioner Bienvenido Rubio.

Malalakas ang loob ng mga ito na gumawa ng kalokohan — partikular na ilang Customs police — dahil ipinagmamalaki ni alyas Kumander na malakas siya sa grupo ng “Bogobogo”.

Ang Bogobogo ay samahan ng mga dating kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na hindi nakatapos sa prestiyosong akademya. Ilang miyembro nito ang “naghahanapbuhay” sa Pantalan.

Upang matiyak ang sapat na disiplina at transparency, naglabas din ng memorandum si Nepomuceno nitong nakalipas na Biyernes, July 25, na inaatasan ang lahat ng Deputy Commissioners, District Collectors, District Commanders, Port Supervisors, Examiners, at ‘concerned personnel’ na magsumite ng ‘formal report’ sa kanyang tanggapan sa loob ng 24 oras.

Ang lahat ng ulat ay kailangang may kalakip na ‘spot o incident reports’ kalakip ng ilan pang ebidensiya.

“Failure to comply with the reporting requirement may result in the presumption of Neglect of Duty or other administrative violations under the Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service and shall be dealt with accordingly,” saad sa kautusan ng opisyal.

Dahil dito, marami ang humanga sa mabilis na aksiyon ni Nepomuceno hinggil sa talamak na kotongan sa pambansang paliparan.

Maliban sa BOC chief ay seryoso rin si Deputy Commissioner for Enforcement Group, Gen. Noli Bathan, para matukoy ang mga buwitre sa airport, partikular na sa NAIA Terminal 3.