Advertisers

Advertisers

GARAPAL ANG KORTE SUPREMA (Unang Bahagi)

0 53

Advertisers

MASKI saang anggulo tingnan, mistulang ginarapal ng Korte Suprema ang desisyon kung saan idineklara na hindi ayon sa Saligang Batas ang impeachment trial ni Misfit Sara. “Lutong makaw” tito at tahasang “inilublob sa kanal” ang isyu kung gagamitin ang salitang kanto upang sabihin na pinaboran nga Kataas-taasang Hukuman si Misfit Sara na nakatakdang litisin ng Senate impeachment court sa ika-4 ng Agosto.

Balikan natin ang takbo ng mga pangyayari sa nakalipas na anim na buwan. Suriin natin ang nangyayari mula ng hingin ng kampo ni Misfit Sara sa isang petisyon sa Korte Suprema na bale-walain ang Articles of Impeachment na isinumite ng Camara de Representantes sa Senado upang litisin ni Misfit Sara sa mga paglabag niya umano sa Saligang Batas.

Hindi muna namin tatalakayin ang merito ng pasya ng Korte Suprema. Unahin namin ang timeline, o kung paano umabot sa ganitong desisyon ang Mataas na Hukuman. Unang inihain ang petisyon na mapawalang bisa ang Articles of Impeachment noong buwan ng Pebrero matapos isumite noong ika-5 ng Pebrero ng Camara sa Senado ang Articles of Impeachment na nilagdaan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara.



Buwan rin ng Pebrero ng hingin ng Korte Suprema na sumagot at magkomento ang Camara bilang respondent sa mga puntong nakalatag sa petisyon. Ngunit inupuan ang kaso sa sumunod na limang buwan. Kumilos lang ang Korte Suprema noong ika-8 ng Hulyo nang hingin nito sa Camara na magsumite ng sagot sa kalipunan ng mga tanong na kung tawagin sa hukuman ng bansa ay “interrogatory.”

Sinunod ng Camara ang atas ng Korte Suprema at ibinigay ang sagot noong ika-21 ng Hulyo, o Lunes. Walang en banc session noong araw na iyon. Wala rin en banc session noong Martes, ang araw na karaniwan na nagdaraos ng sesyon ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema. Wala rin pasok ang mga kawani ng pamahalaan noong Martes hanggang Huwebes dahil sa bagyo, ulan, at baha. Walang pasok sa Korte Suprema.



Ngunit noong Biyernes, ika-25 ng Hulyo, may milagro na maaaring ihambing sa pagkakahati ng dagat noong panahon ni Moses. Nagkaroon ng en banc session ang mga mahistrado upang pag-usapan umano ang mga ilang nakabinbin na mga kaso sa hapag nito.

Ngunit laking gulat ng buong bansa nang naglabas ng desisyon ang Mataas na Hukuman sa isyu ng paglilitis kay Misfit Sara. Idineklara sa pasya ng Korte Suprema na “labag” sa Saligang Batas ang Articles of Impeachment laban sa kanya. Pinagsabihan nito ang Senado na huwag ituloy ang impeachment trial dahil laban ito umano sa Saligang Batas.



Ngunit maraming katanungan sa himala sa Korte Suprema. Paano nagkaroon ng pasya sa loob ng isang araw ang 13 mahistrado na nandoon sa en banc session noong Biyernes kung hindi nagkaroon ng anumang pagdinig, palitan ng katwiran, o oral arguments, walang isinumite na memorandum mula sa magkabilang panig, at walang order na ilabas ang isyu para sa desisyon?

Sa maikli, paano at bakit nagkaroon ng 97 pahina na desisyon ang Korte Suprema sa loob ng isang araw kung hindi nito sinunod ang sariling proseso. Walang pantas, o paham, ang makakagawa ng ganitong pasya sa Korte Suprema. Hindi pantas si Marvic Leonen, ang ponente, upang makasulat ng ganitong ponencia sa loob ng isang araw. Pinakapa lang ang bayan sa proseso ng desisyon na ito. Himala ito, o lutong makaw.

Gayunpaman, hindi maalis na magbigay ng opinyon ang ilang lider manananggol ng bansa tungkol sa himala sa Korte Suprema. Hindi nagkaroon ng patas na proseso ang Korte Suprema sa pagbibigay ng pasya, ani Kin. Leila de Lima ng Mamamayan ng Liberal Party List. Mabuti pa ang mga inakusahang lumabag sa batas trapiko, ani de Lima, dating senadora, dahil binigyan sila ng pagkakataon ng kuwestiyunin ang dahilan kung bakit sila dinakip.

Ngunit hindi ang Camara, na kumakatawan ang mga halal ng sambayanan na kongresista mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Isang desisyon na ex-parte ang nangyari, aniya. Kapag ex-parte, tanging ang panig lang ng Misfit Sara ang dininig ng Korte Suprema, aniya.

“Walang naburang kasalanan,. Walang nalinis na pangalan. Teknikal ang desisyon. Ang mga alegasyon ay nanatiling totoo, malubha, at hindi pa nasasagot,” ani de Lima, isa sa 11-katao pangkat ng mga taga-usig mula sa Camara. Ipinakulong si de Lima ng halos pitong taon batay sa mga pinagtagpi-tagping bintang na iniutos umano ni Gongdi noong siya ang pangulo ng bansa.

Hindi naging patas ang Korte Suprema, ani Adolf Azcuna, retiradong mahistrado ng Korte Suprema. Iniba ng Mataas na Hukuman ang kahulugan ng salitang “initiated” sa kaso ni Misfit Sara. Hindi ginamit sa impeachment complaint ni Misfit ang kahulugan ng salitang ito na batay sa mga nakalipas na impeaachment complaint.

***

NAKAKAPAGOD ang away ni Hen. Nick Torre , hepe ng PNP, at Baste Duterte, pansamantalang alkalde ng Davao City. Walang mapapala ang sambayanan sa kanila. Duwag si Baste. Magaling lang maghamon at magbenta ng away pero kapag pinalagan ay hindi lalaban at maraming dahilan. Nakakainis ang sitwasyon na sa sobrang dakdak, si Baste ang naghamon ng suntukan, pero ng bilhil ang inilakong away, karakarakang tumalilis na bahag ang buntot.

Tama ang naging asal ni Torre. Hindi na niya pinansin si Baste na pinagtatawanan ng buong bansa sa kanyang nakakatawang hamon. Hindi na lang siya nagsalita. Tama na hindi na siya nagbigay ng dagdag na salita sa duwag. Wala siyang mapapala kay Baste. Mabuting pagtuunan niya ng pansin ang kanyang gawain bilang hepe ng PNP.