Advertisers
Inaresto ang isang pulis na may ranggong Police Major nang ireklamo ng sexual harassment ng isang kadete na noon nasa isolation facility habang inaasikaso ang kanyang paglabas mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) noong Hulyo 31, 2025.
Ayon sa opisyal na pahayag ng PNPA, nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad ang suspek. Naisampa na rin ang kasong kriminal sa nasabing police official habang naghahanda naman ang PNPA ng kasong administratibo laban sa suspek.
Tiniyak naman ng pamunoan ng PNPA na patuloy na tumatanggap ng psychological support ang biktima, at nanawagan ito sa publiko na igalang ang kanyang privacy.
Bilang tugon sa insidente, nagpapatupad na ng mas mahigpit na mga hakbang ang pamunuan ng PNPA upang palakasin ang kanilang internal procedures, kabilang na ang masusing beripikasyon sa mga itatalagang personnel sa loob ng akademya.
Giit ng PNPA, isa itong isolated case at hindi kinukunsinti ng institusyon ang anumang uri ng pang-aabuso.
Kinondena ng National Police Commission ang insidente.
Ayon kay Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, posibleng rape at hindi lamang acts of lasciviousness ang kaso.
“This is the police academy, so wala ho talagang puwang ang ganitong klase ng actuations,” aniya. “Dapat ang buong PNP, ang buong Napolcom, imbestigahan ito… Hindi ito example ng tamang pamamaraan.”(Koi Laura/Boy Celario)