Advertisers
NASA kustodiya na ng pulisya ang isang Grade 11 student na nakapatay sa pamamaril ng isang guro nang ibinagsak ito sa grado na labis niyang dinamdam sa Barangay Narra, Balabagan, Lanao del Sur.
Naglalakad patungong Balabagan Trade School sa Barangay Narra ang 34-anyos na guro na si Danilo Barba nang lapitan ng menor-de-edad na salarin, binaril ng ilang beses at agad tumakas. Agad namatay sa mga tama ng bala si Barba.
Magkahiwalay na kinumpirma nitong Linggo, August 10, nila Colonel Caesar Cabuhat, Lanao del Sur provincial police director; at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na isinuko na ng kanyang mga kamag-anak at mga traditional Maranao community leaders ang salarin sa mga lokal na kinauukulan.
Ang salarin ay nasa magkatuwang na kustodiya ng Balabagan Municipal Police Station at ng local government unit ng naturang bayan dahil isa itong menor-de-edad.
Umamin sa mga imbestigador ng Balabagan MPS ang salarin na kanyang napatay ang guro dahil hindi ito binigyan ng passing grade sa subject na kanyang hawak nitong final examinations nila, isang balakid sa kanyang enrollment sa pagka-Grade 12 student sa Balabagan Trade School.
Unang nagtago ang salarin sa bayan ng Marogong, Lanao del Sur nguni’t sinundo siya ng kanyang nakakatandang kapatid na pulis at isinuko sa batas.