Advertisers
NASAWI ang 29-anyos na lalaki nang tumalon sa ika-10 palapag ng kanyang tinutuluyang Spring Hotel sa Cubao, Quezon City, Lunes ng gabi, Agosto 11, 2025.
Nabatid sa ulat ng Quezon City Police District station. 7 Cubao, kinilala ang biktima na si Ricardo Pepito Jr., binata, self employed at residente ng Purok 3, Crossing uson, Masbate.
Ayon sa Cubao police naganap ang insidente, 9:11 ng gabi nitong nakalipas na Lunes sa Spring Hotel, Pinatubo corner Aurora Blvd., brgy. San Martin, De Porres, Cubao, QC.
Sinabi ng Cubao police, na nag-check in ang biktimang si Pepito Jr. sa naturang hotel 5:44 ng hapon noong Agosto 10, 2025 at agad nagtungo sa kanyang inassigned na room sa 10th floor ng naturang hotel.
Nabatid pa sa ulat ng pulisya na napansin ng witness staff ng hotel habang gumagawa ng kanyang duty sa hotel laundry area na umiyak ang biktima habang nakaupo sa kanto habang stress at problemado umano.
Dahil nag-aalala sa kalagayan ng biktima agad ipinagbigay alam ng witness sa naka-duty na security guard ang kalagayan ng biktima.
Agad umanong pinuntahan ng security guard at isang hotel receptionist ang biktima subali’t habang papalapit sila sa biktima na nakatayo sa pader, biglang walang sabi-sabi na tumalon mula sa naturang gusali ng hotel na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.(Boy Celario)