Advertisers

Advertisers

106 ‘Bigasan’ Livelihood Packages ipinamahagi ng Caloocan LGU

0 9

Advertisers

May kabuuang 106 ‘Bigasan’ Livelihood Packages ang naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa mga miyembro ng vulnerable sectors, na kinabibilangan ng Persons with Disability (PWDs), senior citizens, solo parents, returning Overseas Filipino Workers (OFWs), at home-based workers.

Binubuo ang One ‘Bigasan’ Livelihood package ng anim na sako ng bigas kasama ang iba pang mahahalagang pangangailangan sa negosyo, na may layuning mabigyan ng matatag na pagkakakitaan ang mga tatanggap nito.

Dagdag pa rito, tatlo pang benepisyaryo ang nakatanggap ng mga makinang panahi at iba pang tailoring materials, habang nabigyan ang isa naman ng barbecue business package.



Kinilala ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga hamon na kinakaharap ng mga miyembro ng mga mahihinang sektor sa paghahanap ng marangal at sapat na kabuhayan at ipinahayag ang inisyatiba ng kanyang administrasyon na konkretong matugunan ang mga alalahaning ito sa pangmatagalang paraan.

“Kahit noong hindi pa ako Mayor, marami na ang nagsasabi sa atin na mga miyembro ng vulnerable sectors sa lungsod na nahihirapan silang makahanap ng kabuhayan at trabaho sa iba’t ibang kadahilanan,” wika ni Mayor Along.



“Kaya naman mula noong nagsimula ang ating unang termino, regular nating binibigyan ng tulong ang mga senior citizen, PWD, solo parent, at mga magulang ng child laborers na magkaroon ng sarili nilang pagkakakitaan, bukod pa sa pag-aalis ng mga sistemang nagdi-diskrimina sa kanila,” pahayag pa ni Mayor Along.

Kabilang sa mga benepisyaryo ng ‘Bigasan’ Package si G. Marcelino Estonactoc, 67, na kamakailan lamang nagtapos sa Maypajo High School.



Sinabi ni Mayor Along na si G. Estonactoc, patunay na anuman ang katayuan o edad, lahat ng handang magsikap para sa mas magandang buhay na makikinabang nang malaki sa mga patakaran at programa ng pamahalaang lungsod.

“Nakita naman po natin ang kwento ng buhay ni Mang Marcelino, na patunay na ang pagsisikap na maabot ang mga pangarap, walang pinipiling edad o estado sa buhay. Kaya asahan po ninyo na tutulungan natin ang mga kagaya niya na magkaroon ng oportunidad na bigyan ng magandang buhay ang kanilang mga sarili,” pagwawakas ni Mayor Malapitan. (BR)