Advertisers
Patay ang 33-anyos na lalaki at sugatan ang misis nito na hinihinalang mga tulak, nang pagbabarilin ng ‘di kilalang lalaki habang natutulog katabi ang kanilang tatlong anak sa loob ng kanilang barung-barong sa Quezon City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Dead on the spot ang biktimang si alyas “Dada”, 33, habang patuloy pang inoobserbahan sa Quirino Memorial Medical Center ang misis niyang si alyas “Joy”, 32, kapwa residente ng Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, sanhi ng tinamong apat na tama ng bala sa katawan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:50 ng madaling araw nitong Miyerkules (August 13), nang maganap ang insidente sa barung-barong ng mga biktima sa Villareal St., Brgy. Gulod, Novaliches, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/SMS Joey D Madrid, mahimbing na natutulog ang mag-asawa, at ang tatlo nilang anak nang pumasok sa kanilang barung-barong ang ‘di pa nakikilalang suspek na armado ng baril.
Doon ay paulit-ulit na pinagbabaril ng suspek ang mga biktima saka mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril sa pamamaslang.
Nasamsam ng SOCO Team mula sa QCPDFU sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano ang anim na basyo ng bala ng kalibre .45 sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Hinala ng pulisya, posibleng may kinalaman sa droga ang nangyaring pamamaril, gayunman patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen. (Almar Danguilan)