Advertisers
INIULAT ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nanatiling normal ang flight operations sa Pagadian Airport sa kabila ng insidente ng ‘runway incursion’ noong Sabado, Agosto 16, 2025, napag-alaman sa ulat kahapon.
Batay sa inisyal na ulat, nag-ugat ang insidente sa isang hot pursuit operation na kinasangkutan ng isang indibidwal mula sa Brgy. Kawit, Pagadian City, na iniugnay sa mga paglabag na may kinalaman sa droga.
Ayon sa CAAP, ang habulan ay nagsimula sa Brgy. Muricay hanggang nagtapos bandang alas-12:15 ng hapon sa perimeter fence ng paliparan at pumasok sa airside area ng Runway 20.
Agad namang nahuli ang suspek sa runway strip, kung saan ay kapwa pinalabas ng restricted area ang indibidwal at ang mga humahabol na barangay tanod. Kasunod na itinurn-over ang suspek sa Pagadian City Police para sa kaukulang aksyon.
Tiniyak ng CAAP sa publiko na walang mga flight na nagambala at walang pinsalang natamo sa mga pasilidad o kagamitan sa paliparan. (JOJO SADIWA)