Advertisers
IBINUNYAG ni Senador Panfilo Lacson na may mga Chinese “sleeper agents” at maging mga operatiba ng People’s Liberation Army (PLA) ng China na nakapasok na sa Pilipinas upang magsagawa ng pag-espiya o espionage.
Ayon kay Lacson, ito ang dahilan para sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng tuluy-tuloy na follow-up o pursuit operations laban sa mga naaresto sa mga naunang anti-espionage operations.
“The whole network of espionage operations must be dismantled or at least decimated to a large degree kasi agents come and go. Inaresto mo, may papalit diyan. And I have on good information na maraming sleeper agents, even regular members of PLA na nandito. Widespread eh,” ani Lacson sa pagdinig ng Senate defense committee kung saan tinalakay ang mga panukalang batas laban sa espiya, kabilang ang kanyang Senate Bill 33, isang panukalang batas na nagpaparusa sa espionage at iba pang kaugnay na krimen laban sa pambansang seguridad.
“Time is of the essence. Continuing ang kanilang espionage ops and right now ang ina-apply natin is Commonwealth Act 616,” wika pa niya.
Binanggit din ni Lacson ang ulat kung saan may naarestong Tsino dahil sa pag-espiya sa maraming lugar, kabilang ang Palawan, Makati, Dumaguete, at malapit sa Camp Aguinaldo, Commission on Elections sa Manila, at Malacanang.
Sa pagdinig, iniulat ni Atty. Ferdinand Lavin ng National Bureau of Investigation (NBI) na sa hindi bababa sa anim na operasyon, 19 na dayuhan ang kanilang naaresto dahil sa hinalang espiya.
Sa 19 na naaresto, 13 ang Chinese, lima ang Pilipino, at isa ang Cambodian. Ayon kay Lavin, ang mga Pilipino ay nagsilbing guide, driver o aide lamang na ginamit bilang kasangkapan.
Binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangan ng tuluy-tuloy na hot pursuit operations laban sa iba pang sangkot, kabilang ang mga matutukoy mula sa tactical interrogation ng mga nahuli.
Hinikayat din ni Lacson ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga ari-arian ng mga sangkot sa espionage, katulad ng ginawa nila sa kaso ng dating alkalde na si Alice Guo. (Mylene Alfonso)