Advertisers
PATULOY na tinatamasa ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ang “trust and confidence” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kabila ng pagkakatuklas kamakailan ng mga “multo” na mga proyekto sa pagkontrol sa baha sa ilang bahagi ng bansa.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang binanggit si Marcos na anumang planong kumilos laban kay Bonoan sa gitna ng mga isyung ito.
“So, kung meron mang magiging aksyon patungkol kay Secretary Bonoan, hintayin lamang po natin. Pero as of the moment, nandiyan pa rin po ‘yung trust niya,” wika ni Castro na kaniyang binanggit na patuloy ang tiwala ni Pangulong Marcos,
Sinagot din niya ang pahayag kamakailan ni dating public works secretary Rogelio Singson na nakatanggap siya ng feelers mula sa Malakanyang tungkol sa posibleng pagbabalik sa Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang kapalit ni Bonoan.
“Sa ngayon po ay itatanong po natin at bibigyan ko po kayo ng detalye patungkol diyan,” sabi pa ni Castro bilang tugon sa statement ni Singson.
Ang pagsisiyasat sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha ay isinasagawa kasunod ng mga ulat ng mga iregularidad at maling paggamit ng mga pondo.
Nagsagawa rin si Marcos ng sunud-sunod na inspeksyon sa mga lugar na may napaulat na anomalya sa mga flood control projects. (Vanz Fernandez)