Advertisers
Ibinunyag kahapon ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na naglaan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P2.2 bilyon sa 39 na kuwestiyonableng flood control projects sa lungsod mula 2022 hanggang 2025.
Dahil sa matinding pag-aalala sa transparency, hinikayat ni Santos ang House InfraComm na imbitahan ang mga opisyal ng DPWH at mga pangunahing kontratista kapag sinimulan ng komite ang imbestigasyon sa Setyembre 2.
Ayon sa kongresista, mula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022, nagpapatupad ang DPWH ng 10 flood control projects sa iba’t ibang barangay ng Las Piñas—ngunit nananatiling problema ang pagbaha sa lungsod.
“May 20 lang na barangay sa Las Piñas pero 39 flood control projects ang pinasok. Ibig sabihin, parang tig-tatatlong proyekto kada barangay—pero bakit hanggang ngayon, lumulubog pa rin sa baha?” ani Santos.
Aniya, kinumpirma ni DPWH Undersecretary para sa Technical Services Ador Canlas na naglaan ang Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office ng P437.1 milyon para sa mga flood control projects na ito lamang, hindi pa kasama ang iba pang multi-milyong pisong proyekto na ang epekto sa mga residente ay lubhang kuwestiyonable.
Noong nakaraang Biyernes, ibinunyag ni Santos na 16 sa 61 infrastructure projects ng DPWH sa Las Piñas ngayong taon ay umano’y ghost o hindi natapos.
Natuklasan din ng kongresista na ang mga multi-milyong pisong proyekto ay karaniwang “kinorner” lamang ng apat hanggang limang kontratista, na umano’y mga kakampi at kamag-anak ng makapangyarihang lokal na politiko sa loob ng dekada.
“Kung totoo ang sinasabi nilang flood control projects, bakit parang flood control sa bulsa lang ng ilang kontratista? At bakit iilan lang ang paulit-ulit na nabibigyan ng kontrata?” dagdag ni Santos.
Ipinaalam sa kaniya ni Canlas na ang Las Piñas–Muntinlupa District Engineering Office na pinamumunuan ng embattled district engineer Isabelo Baleros ay naglaan ng kabuuang P572.9 milyon para sa siyam na flood control projects noong 2023. (Cesar Barquilla)