Advertisers

Advertisers

BUKLOD KAPAYAPAAN

0 15

Advertisers

MATINDING pangamba at pagkadismaya ang ipinahayag ng Buklod Kapayapaan, pambansang pederasyon ng mga dating rebelde at mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, matapos ang pag-absuwelto ng Regional Trial Court ng Taguig City sa limang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ang mga inakusahan na sina Tirso Alcantara, Dionisio Almonte, Diony Borre, Renante Gamara, at Raul Razo ay napawalang-sala sa kasong kidnapping with murder at frustrated murder dahil umano sa kakulangan ng matibay na ebidensya, kaya’t nakalaya sa ilalim ng prinsipyong “reasonable doubt.”

Sa kanilang opisyal na pahayag na inilathala sa Kontra-Kuwento, sinabi ng Buklod Kapayapaan na nakababahala ang naturang desisyon hindi lamang para sa mga dating rebelde na nakaranas ng hirap sa loob ng kilusan, kundi pati para sa taumbayan na umaasa sa hustisya.

“Ang kanilang paglaya ay nakaaalarma sapagkat batid namin ang tunay nilang papel sa armadong kilusan,” giit ng grupo.

Ang Kontra-Kuwento ay isang kolektibong binubuo ng mga dating kadre ng CPP-NPA-NDF na ngayo’y gumagamit ng panulat, kamera, at pagsusuri upang ilantad ang kasinungalingan, ipagtanggol ang katotohanan, at magsilbi sa sambayanang Pilipino.

Tinukoy nila sina Alcantara at Gamara bilang mga senior leader na may “command responsibility” sa libu-libong kaso ng karahasan—kabilang ang 578 kaso ng child recruitment at 343 kaso ng pagpatay, karamihan ay sibilyan.

Dagdag pa ng grupo, marami sa mga ordinaryong miyembro ng CPP-NPA na sumuko na ang hanggang ngayon ay humaharap pa rin sa mga kasong kriminal, samantalang ang kanilang mga dating pinuno ay malaya na.

“Kapayapaan na walang hustisya at pananagutan ay marupok at hindi magtatagal,” diin ng pahayag.

Nagbabala naman si Joy Saguino, dating kadre ng CPP, na ang naturang absolusyon ay nagpapakita ng mga kahinaan sa sistemang panghustisya ng gobyerno.

“Ito ay warning flare—isang matinding babala kung paanong ang ating hustisya, dahil sa mga butas at kakulangan, ay nagagamit bilang sandata ng pinakamapanlinlang na organisasyong rebeldeng nakaharap ng bansa,” wika ni Saguino.

Ayon sa kanya, hindi mga aktibista o consultant ang mga nasabing lider kundi aktibong operator ng urban network ng CPP na sumusuporta sa mga front ng NPA.