Advertisers
‘GUILTY’ sa kasong administratibo si Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Henry Alcantara, hatol ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Si Alcantara ay dating district engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na nasangkot sa mga maanomalyang proyektong flood control sa lalawigan ng Bulacan.
Binigyang diin ni Dizon sa kanyang pitong pahinang desisyon na napatunayang may pananagutan si Engineer Alcantara sa mga sumusunod na mabibigat na kasong administratibo: Disloyalty to the Republic of the Philippines and to the Filipino People; Grave Misconduct; Gross Neglect in the Performance of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, alinsunod sa Sections 63 (A)(1)(d), (f), (h), at A(2)(a), Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
Ang pagbusisi sa mga palpak na proyekto ng gobyerno ay bilang tugon narin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa mga proyektong hindi napapakinabangan ng taumbayan.
Diin pa ni Dizon, magsilbi itong babala sa mga opisyal at kawani ng DPWH na responsable sa mga ghost at substandard projects, dahil kagaya aniya ng sinabi ng Pangulo, hindi hahayaan na hindi mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan.
Kasunod nito, magrerekomenda sa kaukulang tanggapan ang DPWH upang maghain ng criminal charges laban kay Engineer Alcantara at iba pang sangkot na indibidwal upang makamit ang hustisya sa kanilang ginawang pambababoy sa kaban ng bayan,” diin ni Sec. Dizon
Nauna nang pinangalanan ni Sec. Dizon ang mga susu-nod na sasampahan ng kasong dministratibo at kriminal na sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant III Juanito Mendoza na mula lahat sa Bulacan 1st District Engineering Office.(Jocelyn Domenden)